3,549 total views
Homiliya para sa Kapistahan ng Panginoong Hesukristo bilang Paring Pang-magpakailanman, 23 Mayo 2024, Mk 14:22-25
SACERDOTE: Ito ang tawag sa mga sinaunang pari. Mula ito sa salitang Latin na SACERDOS , ibig sabihin—sagradong regalo o banal na handog. Siguro dahil ang papel ng mga pari sa templo ay ang mag-alay sa Diyos ng mga handog na sakripisyo alang-alang sa bayan. Trabaho nila ang alagaan ang relasyon ng Diyos sa Israel, na tinatawag nilang Tipanan o kasunduan (covenant). Sila ang nagsisilbing tagapagkasundo; nag-aalay sila ng sakripisyo para ipakipagkasundong muli sa Diyos ang mga pasaway, o ang mga nawalay sa Diyos dahil sa pagkakasala, o dahil sa kanilang paglabag sa tipanan.
Sa katagalan ng panahon, unti-unting parang nawalan ng kahulugan ang pag-aalay ng bayang Israel ng mga handog sa Diyos. Maraming beses ngang binatikos ito ng mga propeta sa lumang tipan, tulad nina Isaias, Micaias, Amos, Jeremias, atbp. Sa Salmo 51:18-19, ganito rin ang sinasabi ng awtor: “Hindi mo ikinatutuwa ang aming mga sakripisyo, ang aming mga susunuging handog hindi mo ikinaliligayang tanggapin. Ang sakripisyong hinihingi mo ay isang kaloobang wagas na nagsisi, isang pusong dalisay at pakumbaba, ito O Diyos ang hinahanap mo.”
Kaya pala parang naging negatibo na ang kahulugan ng pagkapari at pag-aalay ng sakripisyo sa Bagong Tipan, lalo na sa mga ebanghelyo. Hindi ba sa ikinuwento ni Hesus na Parable of the Good Samaritan, ang ginawa niyang bida ay hindi iyung pari at Levita na naglilingkod sa templo? Sila pa nga ang ginawa niyang halimbawa ng kawalan ng malasakit. Kaya hindi ako nagtataka na sa bandang huli, mga saserdote ng templo ang nakabangga ni Hesus at naging kaaway niyang mortal. Di ba minsan, pinagtataboy ni Hesus ang mga namimili at nagbebenta ng mga hayop at kalapati sa may patio ng templo? Sa galit ng mga pari, minabuti nilang ipapako sa krus ang Nazarenong nanggugulo.
Parang inulit ni Hesus ang mensahe ng mga sinaunang propeta: kung inaakala ninyong sapat na ang mga sakripisyong sinusunog ninyo para pagtakpan ang inyong mga kasalanan, nagkakamali kayo.
Sa unang pagbasang narinig natin mula sa sulat sa mga Hebreo doon lang matatagpuan ang isang positibong kahulugan ng pagkapari at doon lang iniuugnay ito kay Kristo. Sabi ng manunulat, nawalan daw ng saysay ang paghahandog-sakripisyo ng lumang pagkapari dahil kailangan itong ulit-ulitin, sapagkat paulit-ulit ding nagkakasala ang tao at hindi sapat na kabayaran ang dugo ng mga hayop na kanilang isinasakripisyo. Sa ginagawang pagkatay at pagpapadugo ng mga pari ng templo, hindi naman nasasaktan ang taong nagkasala o ang paring nag-aalay. Isa lang ang nasasaktan: ang korderong isinasakripisyo.
Ito babaguhin ng pagkapari ni Kristo. Siya ang nag-aalay ng sakripisyo, pero wala siyang ibang iaalay na sakripisyong kundi ang sarili niya, buhay niya, katawan at dugo niya. Sabi ng sulat sa mga Hebreo, siya lamang, at wala nang iba, ang tunay at natatanging pari. Hindi niya sasabihin sa taong nagkasala, ipag-aalay kita ng tupa o kordero. Sa halip, ang sasabihin niya ay, ako ang pari, ngunit ako rin ang kordero, ako ang tagapag-alay ngunit ako rin ang handog na iaalay; wala akong ibang alay na ihahandog kundi sariling buhay ko. Ito ang ibig sabihin ng pagkapari ni Kristo. At lahat tayo, hindi lang kaming mga inordinan ang tinawag para makibahagi sa pagkapari ni Kristo, kundi lahat tayo.
Kaya tayo nagmimisa, para matutunan nating mag-alay nang tama. Noon pa mang unang panahon, pinoproblema na ng tao ang maiaalay niya sa Diyos, kung ano ba ang dapat niyang ihandog na ikatutuwa ng Diyos. Akala nila sapat na iyong IKAPU, o mga gulay at karne, o salapi na inihuhulog sa kahon. Kailan tayo tunay nakikiisa sa pagkapari ni Kristo? Kapag ang natututuhan nating ialay ay hindi salapi, hindi ikapu, hindi mga hayop at gulay, hindi ari-arian, kundi SARILING BUHAY, BUONG BUHAY NATIN.
Naipahayag na rin iyon sa isang orakulong binigkas ni propeta Mikaias bilang sagot sa tanong ng mga sumasamba sa templo: “Ano ang maiaaalay ko sa Diyos sa aking pagsamba? Anong klaseng handog ang ikatutuwa niya? “ At ang sagot ay, “Matagal nang ipinaalam sa iyo o tao kung ano ang mabuti, kung ano ang hinihingi ng Diyos sa iyo: ‘Ang maging makatarungan, ang pumanig sa kabutihan, at lumakad nang may kababaang loob na kapiling ang Diyos.”