17,715 total views
Binigyang diin ng Stella Maris-Philippines na naaangkop lamang na tutukan at bigyang halaga ng pamahalaan ang kapakanan at karapatan ng mga Filipino Seafarers.
Ito ang bahagi ng mensahe ni Antipolo Bishop Ruperto Santos – CBCP Bishop Promoter ng Stella Maris-Philippines, kasunod ng pag-apruba ng mga mambabatas sa Magna Carta of the Filipino Seafarers bill.
Paliwanag ng Obispo, naaangkop lamang na tutukan at bigyang halaga ang kapakanan at karapatan ng mga Filipino Seafarers na nagtatrabaho sa iba’t ibang bahagi ng daigdig hindi lamang dahil sa kanilang malaking ambag para sa ekonomiya ng bansa kundi bilang pagpapahalaga sa bawat manggagawang Pilipino .
“Our Seafarers are valuable not only because they are essential workers domestically but their services are important contributors to the global economy. It is imperative that we become diligent in safeguarding their well being by protecting their rights and ensuring their welfare.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Santos.
Ayon kay Bishop Santos, malaki ang maitutulong at benipisyo para sa mga Pilipinong mandaragat at kanilang mga pamilya sakaling tuluyan ng lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nasabing panukalang batas.
“We, at Stella Maris-Philippines, would like to express our profound gratitude for the uncontested approval of the Magna Carta of the Filipino Seafarers bill. This will pave the way for passing it into law once President Ferdinand Marcos Jr., who certified the enactment of its proposal as urgent, signs it. God is good! We give Him praise and thanks for this tremendous blessing to our dear Seafarers and their families.” Dagdag pa ni Bishop Santos.
Nakapaloob sa naturang Magna Carta of Filipino Seafarers ang pagtiyak ng kapakanan at pagtukoy sa mga karapatan ng mga Filipino seafarer kabilang na ang reintegration program, grievance system, at social welfare benefits ng mga mandaragat.
Layunin din ng Magna Carta of Filipino Seafarers na kilalanin ang mga karapatan, kontribusyon at natatanging papel ng mga marino o mandaragat sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.
Batay sa tala ng Maritime Industry Authority (MARINA) mula 2016 hanggang 2021, ang bansa ay nagdi-deploy ng mahigit 400,000 Filipino seafarers sa ibayong dagat.
Sa bahagi ng Stella Maris Philippines, may 14 na chaplains ang aktibong naglilingkod sa iba’t ibang pantalan sa buong bansa na may misyong tugunan at magsilbing gabay sa buhay espiritwal hindi lamang ng mga Pilipinong mandaragat kundi maging ng kanilang mga naiwang kapamilya sa Pilipinas.