11,136 total views
Tiniyak ni Father Anton CT Pascual, Executive Director ng Caritas Manila ang patuloy na pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan masasalanta ng anumang uri ng kalamidad o sakuna.
Ito ang mensahe ng Pari sa kaniyang naging pagbisita sa may 45-pamilyang nasunugan sa Addition Hills Mandaluyong City.
Personal na pumunta si Fr. Pascual sa lugar para kamustahin ang kalagayan ng mga pamilyang nasunugan.
Ipinagdasal at binasbasan ng pangulo ng Radio Veritas ang mga residenteng pansamantalang nanunulayan sa mga tent na nasa covered court ng Addition Hills.
“Sa mga kababayan natin, kapanalig, alam niyo amg simbahan ay laging nariyan upang ipadama ang pagibig ng Diyos, lalung-lalu na sa mga biktima ng sakuna, mga gawa ng kalikasan at gawa ng tao, sunog, mga baha, lindol, nariyan po ang ating simbahan lalung-lalu na ang Caritas Manila, naway ipagdasal po natin, suportahan po natin ang Caritas Manila sapagkat napakarami nating tinutulungan na mga kabataan sa edukasyon, pagdadamayan sa kalusugan, mga biktima ng kalamidad at yung mga bilanggo na tinutulungan natin mabigyan ng bagong pagasa kaya’t salamat po sa inyong suporta, pagpalain kayo ng Diyos ng mas marami pang biyaya,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Pascual.
Labis na nagpapasalamat si Elsie Sarmiento, program coordinator ng Caritas Manila Damayan program sa Sacred Heart Parish Mandaluyong City sa mabilis na pagtugon sa pangangailangan ng mga nasunugang.
Ayon kay Sarmiento, sa pamamagitan ng mga ipinadalnag food packs, hygiene kits, jerry cans, banig at kumot ay makakapamuhay ng may dignidad ang may 45-pamilya na nananatili sa evacuation centers sa lugar.
Inaanyayahan ni Sarmiento sa mamamayan at mananampalataya na paigtingin ang pakikiisa at suporta sa Caritas Manila upang maipagpatuloy ang pagtulong sa biktima ng sakuna at kalamidad.
“Humihingi po kami,l sana po patuloy po kayong magbigay sa amin ng mga tulong sa mga nangangailangan katulad po dito sa Addition Hills. ito po ay malaki pong tulong po sa amin na nabibigyan ng tulong ang aming mga kababayan dito dahil kailangan din nila sa kanilang sitwasyon, maraming salamat, sana po marami pa kayong mabigyan ng tulong, maraming salamat sa Caritas Manila at sa mga tumutulong po na mga sponsor po,” pahayag ni Sarmiento sa Radio Veritas.
Tiniyak din ni Fr.Pascual ang agarang pagbibigay ng home rebuilding assistance sa mga apektadong pamilya.
Sa tala, higit sa 60-milyong piso ang naipamahaging tulong ng Social Arm ng Archdiocese of Manila noong 2023 para sa pagtugon sa pangangailangan ng mga nasasalanta ng kalamidad, pagpapaaral sa mga mahihirap na estudyante at pagpapakain sa mga biktima ng malnutrisyon.