6,956 total views
Ipinapakita ng Araw ng Kalayaan ang kabutihang naghahari sa mga Pilipino.
Ito ang mensahe ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari sa paggunita ng ika-126 taong Independence Day.
Ayon sa Obispo, sa pamamagitan ng kalayaang tinatamasa ng mga Pilipino nawa ay patuloy na manalangin at hingin ang pamamagitan ni Hesus upang palaging magawa ang tama at mga askyon na may pakialam at pagkalinga sa kapwa.
Ipinaalala ng Obispo na tayo ay tinatawag na malayang gawin ang mabuti upang maranasan ang tunay na kaligayahan na nagmula sa panginoon.
“Isang mapagpalang Araw ng Kalayaan sa ating lahat sa ating mga tagapakinig. Napakalaking biyaya ng Kalayaan… Pinapalabas sa atin ang galing ng Pinoy. Pinapakita ang tunay na kabutihang naghahari sa bawa’t pilipino. Napakahalaga na maintidihan na tayo ay tinatawag upang maging malayang gawin ang mabuti upang maranasan natin ang tunay na kaligayahan na galing sa Diyos na may lalang sa atin,” mensaheng ipinadala ni Bishop Mallari sa Radio Veritas.
“Kalayaan,Kinabukasan, Kasaysayan” ang tema ng ika-126 taong paggunita sa araw ng kasarinlan ng Pilipinas.
Layunin ng tema na ipakita ang mayabong na kulturang tinatamasa ng Pilipinas at mamamayang Pilipino.
Simula ika-10 ng Hunyo, magkatuwang ang ibat-ibang kagawaran katulad ng Department of Trade and Industry, Armed Forces of the Philippines at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ay nagsagawa ng mga food exhibit, libreng concerts at iba pang gawain.