23,226 total views
Binigyang diin ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang pagiging katiwala ng bawat Pilipino sa kalayaang biyaya ng Panginoon sa bansa.
Ito ang paalala ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo – chairman ng CBCP-Office on Stewardship sa pagdiriwang ng ika-126 na Araw ng Kalayaan ng Pilipinas sa ika-12 ng Hunyo.
Ayon sa Obispo, mahalagang ipagpasalamat sa Diyos ang tinatamasang kalayaan ng bansa na kaakibat ang hamon sa bawat Pilipino na patuloy na pangalagaan at itaguyod ang kasarinlan ng Pilipinas sa banta ng banta ng pananakop ng mga dayuhan.
Tinukoy ni Bishop Pabillo ang agresibong pang-aangkin ng China sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea maging sa Kalayaan island.
“Tayo ngayon ay nagdiriwang ng ating 126th Independence Day, ipasalamat po natin sa Panginoon ang ating kasarinlan na tayo ay naging independent. Pero yan po ay biyaya ng Diyos na kailangan nating pangalagaan kaya’t tayo po ay katiwala din ng kanyang biyaya, lalong lalo na sa ating panahon ngayon na mayroon ng nakakabahala yung ating problema sa China, baka masangkot tayo sa gulo at mawala ang independence natin.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillio sa Radyo Veritas.
Nilinaw ng Obispo na hindi lamang sa China maging maingat at mapagbantay ang Pilipinas sa halip nararapat na mariing paninindigan laban sa pagpapasailalim sa impluwensya at kapangyarihan western countries kabilang na ang Estados Unidos, Australia, India at Japan.
“Ganun din hindi lang sa China magsikap din tayo na hindi tayo mapasailalim ng mga western powers na dapat mayroon tayong kasarinlan, makakapagdesisyon tayo, hindi lang tayo nadidiktahan ng mga polisiya ng mga western powers [tulad ng mga bansa] ng US, ng Australia, ng India, ng Japan kaya mahirap pong manimbang.” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Hinikayat naman ni Bishop Pabillo ang bawat isa na ipanalangin ang mga opisyal at lider ng pamahalaan upang ganap na pamunuan ang bansa na may pagpapahalaga sa kalayaan at demokrasya.
Sinabi ng Obispo na bukod sa pananalangin ay tungkulin ng bawat Pilipino na maging mapagbantay at mapanuri bilang paninindigan at pagpapahalaga sa kasarinlan ng bansa.
“Una ipagdasal po natin na maging maingat tayong lahat, ipagdasal natin ang ating mga leaders na sana maayos ang pamumuno nila na hindi sila magpadala sa kanino man sa kaliwa o sa kanan at ganun din po magsikap din tayong pahalagahan ang independence natin, kaya tayo mismo ay maging maingat kapag may mga nakita tayo na hindi na magandang pangyayari, magsalita tayo, ipakita natin ang ating paninindigan para sa ating bayan. So ito po yung ating pagpapahalaga sa kasarinlan na ibinigay sa atin ng Diyos.” Ayon pa kay Bishop Pabillo.
Tema ng ika-126 na Araw ng Kalayaan ngayong taon ang “Kalayaan. Kinabukasan. Kasaysayan” na layuning isulong ang pagbabalik-tanaw ng bawat mamamayan sa kasaysayan ng bansa bilang gabay at aral sa kinabukasan ng Pilipinas.