15,768 total views
Magkatuwang ang Radio Veritas at Caritas Manila sa pamamahagi ng tulong sa mga kabataan at iba pang benepisyaryo sa St. Anthony Parish sa Singalong Manila sa pagdiriwang ng kapistahan ng santo.
Ayon kay Radio Veritas Vice President Fr. Roy Bellen ito ang hakbang ng simbahan upang matugunan ang pangangailangan ng mamamayan bukod sa espiritwal na paghuhubog.
Pinangunahan ni Fr. Bellen ang gift giving ng social arm at media arm ng Archdiocese of Manila kung saan 100 kabataan ang pinagkalooban ng school supplies bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase.
“Kailangan pong palakasin ang edukasyon para po ang mga bata mas malaki ang chance na gumanda ang kinabukasan at mabawasan ang kahirapan sa ating bansa,” pahayag ni Fr. Bellen sa Radio Veritas.
Sinabi ng pari na tulad ni San Antonio de Padua na pintakasi ng mga nawawalang bagay at pagpapadama ng mga himala sa mga taong namimintuho sa kanyang pamamagitan nawa’y maging kasangkapan ang bawat isa para mabatid ng kapwa ang pag-ibig at pagkalinga ng Panginoon.
“Nawa po ngayong araw na ito bukod po sa ating mga santo, ang Panginoon po ay gumagawa ng mga himala, tayo rin po ay makiisa sa paggawa ng himala sa ating kapwa sa pamamagitan po ng pagtulong sa mga nangangailangan, with our effort Diyos na po ang bahalang pumuno and yet miracles can happen,” dagdag pa ni Fr. Bellen.
Tiniyak ni Fr. Bellen ang patuloy na pagkilos ng mga tanggapan ng arkidiyosesis tulad ng Radio Veritas at Caritas Manila para palawakin ang misyon ng simbahan sa mga komunidad lalo na sa mga mahihirap na matulungang maiangat ang antas ng kanilang pamumuhay.
Nagpasalamat naman si Fr. Victor Apacible ang kura paroko ng St. Anthony Parish -Singalong sa pakikibahagi ng dalawang institusyon ng arkidiyosesis sa kapistahan ng parokya lalo na ang paghahatid ng tulong sa mga kabataang benepisyaryo.
Si San Antonio de Padua ng Lisbon Portugal ay isang misyonerong Franciscano at masigasig na tagasunod ni San Francisco ng Assisi.
Si San Antonio de Padua ang pinakamabilis na naging santo ng simbahan makaraang gawaran ng canonization ni Pope Gregory IX noong May 30, 1232 o 11 buwan makaraang pumanaw noong June 13, 1231.