21,502 total views
Opisyal na ilulunsad Super Coalition Against Divorce (SCAD) na binubuo ng iba’t ibang mga grupo at institusyon ng Simbahan laban sa isinusulong na diborsyo sa Pilipinas.
Halos isang buwan mula ng ipinasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso noong ika-22 ng Mayo, 2024 ang House Bill 9349 o Absolute Divorce Bill ay nagkaisa ang iba’t ibang organisasyon upang manindigan laban sa panukalang batas at isulong ang kasagraduhan ng kasal na maisasantabi ng absolute divorce sa bansa.
Pinangunahan ni Novaliches Bishop Roberto Gaa ang pagbubuo sa Super Coalition Against Divorce (SCAD) kung saan magsisilbing convenor ng kowalisyon ang mga layko sa pangunguna ni Novaliches Diocesan Commission on Family & Life Lay Coordinator Demy Chavez.
Kabilang sa mga grupo at organisasyon na nagpahayag ng pakikiisa sa Super Coalition Against Divorce (SCAD) ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas, Couples for Christ, Alliance for the Family Foundation Philippines Inc., Live Christ, Share Christ, Novaliches Ecumenical Fellowship.
Nakatakda ang opisyal na paglulunsad ng Super Coalition Against Divorce (SCAD) sa ika-17 ng Hunyo, 2024 ganap na ala-una ng hapon sa Diocese of Novaliches Good Shepherd Cathedral kung saan magkakaroon din ng Joint Signing ng Consolidated Statement Against Divorce ang mga kasaping grupo na susundan ng isang maikling pulong balitaan.
Matatandaang ika-30 ng Mayo, 2024 ng nagtipon ang mga kinatawan ng ilang mga organisasyon na kinabibilangan ng Family and Life Commission ng Diocese of Novaliches, Couples for Christ, Alliance for the Family Foundation Philippines Inc., Live Christ, Share Christ, Novaliches Ecumenical Fellowship, at iba pang grupo upang mariing manindigan laban sa panukalang batas at maipakita ang nagkakaisang pwersa laban sa pagsasabatas ng diborsiyo sa Pilipinas.
“The purpose of this significant gathering was to unify and strategize their collective opposition to the divorce bill being considered by the government. Each group brought unique perspectives and insights, reflecting a broad spectrum of religious and family-oriented organizations committed to preserving the sanctity of marriage. Discussions likely centered on the potential societal impacts of legalizing divorce, the moral and ethical implications, and the formulation of a cohesive plan to advocate against the bill.” Bahagi ng pahayag ng Diyosesis ng Novaliches kaugnay sa naganap na pagtitipon noong ika-30 ng Mayo, 2024.
Personal ding dinaluhan at pinangunahan ang pagtitipon ni Bishop Gaa na nagsilbing gabay sa pagbubuo ng plano kung paano higit na maisusulong ang pagtatanggol sa kasagraduhan ng kasal at pagpapamilya sa bansa.