1,438 total views
Mga Kapanalig, sa bilis ng daloy ng balita at impormasyon ngayon sa internet at social media, nagagawa pa ba nating alamin kung saan galing ang mga ito?
Noong 2016, tinatayang mahigit 54 milyong Pilipino (o kalahati ng ating populasyon) ang gumagamit ng internet. Ang paggamit ng social media, katulad ng Facebook, ang sinasabing pangunahing ginagawa ng mga may access sa internet, sa computer man o sa kanilang smartphone. Sa katunayan, tayong mga Pilipino raw ang pinakababád sa Facebook: ang isang karaniwang Pilipinong may access sa internet ay nakauubos ng halos apat na oras sa Facebook sa loob lamang ng isang araw!
Hindi na nga maikakaila ang lawak at dami ng naabot ng social media at ang papel nito sa pagpapadaloy ng impormasyon at balita sa panahon natin ngayon. Isang patunay ng impluwensya ng social media ang naging gamit nito noong nakaraang eleksyon dito sa ating bansa at maging sa Amerika. Naging tulay ang Facebook at ibang social media platforms gaya ng Twitter sa pagpapalaganap ng mga impormasyong nais kumbinsihin ang mga tao na paniwalaan ang agenda, plataporma, at mga plano ng mga kandidato. Naging daan din ang mga ito sa pagpapalaganap ng mga balita at impormasyong walang malinaw at mapagkakatiwalaang batayan para lamang gawing propaganda ng ilang pulitiko. Tinagurian ang mga itong “fake news”, mga balitang gawa-gawa lamang at ipinakakalat sa internet ng mga tinatawag na trolls. Maliban sa panloloko sa mga tao, ang paglaganap ng “fake news” ay umabot sa paggamit ng masasakit na salita laban sa kapwa dahil na rin sa pagbabaluktot sa katotohanan. At kahit matagal nang tapos ang eleksyon, laganap pa rin ang fake news at patuloy ang mga trolls sa paninira sa mga kritiko ng kanilang kandidato at sa pagtatanggol rito. Bahagi na nga ang fake news sa paghubog ng opinion ng publiko.
Upang maiwasang lumalâ pa ang paglaganap ng mga pekeng impormasyon, may isang senador na nagpanukalang panagutin ang mga namumuno sa mga kumpanya ng mga social media platforms na hinahayaang kumalat ang mga fake news. Samantala, inihain naman ng isang senador na imbestigahan ang mga trolls na responsable sa pagpapalaganap ng mga mapanlinlang at mapanirang impormasyon.
Mga Kapanalig, may batas man o wala, tayo mismo ay makatutulong na ituwid ang mga maling impormasyon sa social media kung responsible ang paggamit natin ng mga ito. Bago tayo mag-share o mag-like ng nababasa natin sa Facebook, alamin muna natin kung saan nagmula ang mga ito. Kung hindi tayo mag-iingat, nagiging tulay tayo sa pagpapakalat ng kasinungalingan at hindi lamang tayo ang mapapahamak; madadamay din ang mga taong pinadalhan natin ng pekeng balita. Gaya ng mga itinuturo sa atin ng Catholic social teaching, ang paggamit ng media—kasama na ang social media—ay dapat na nakaugat sa layuning itaguyod ang kabutihan ng ating kapwa, ang kanilang halaga at dignidad. Hindi natin ito nagagawa kung pinapatulan nating lumaganap ang mga fake news at kung nakikisali tayo sa paninira sa iba, lalo na kung wala namang malinaw na basehan.
Mga Kapanalig, mahalaga ang tamang impormasyon sa pagpapalago at pagpapatibay ng demokrasya. Kung may impormasyon tayong hawak, nakakalahok tayo sa mga usaping hinaharap ng ating bayan. Kaya’t mahalagang sa harap ng maraming mapagkukunan natin ng impormasyon at ng iba’t ibang pananaw, nagagawa nating kilatisin ang mga batayan ng ating mga nababasa sa social media, nang sa gayon, ang tunay na katotohanan ang ating naibabahagi.
Ayon nga kay Pope Francis, hindi nakasalalay sa teknolohiya ang pagiging tunay o totoo ng ating komunikasyon, ng ating pakikipag-ugnayan sa iba. Tunay ang komunikasyong nagmumula sa ating mga puso at sa wastong paggamit natin sa mga kaparaanang mayroon tayo—kasama na nga rito ang social media.
Sumainyo ang katotohanan.