78,649 total views
Kapanalig, noong June 2022 naglabas ng Catechesis on Old Age si Pope Francis. Sa dokumentong ito, nanawagan ang mahal na Papa na magnilay tayo ukol sa ating pagbibigay proteksyon, pangangalaga, at pagbibigay halaga sa mga nakatatanda sa ating Lipunan.
Maraming mga bansa sa buong mundo ang aging na. Kasama na rito ang ating bayan. Blessing sana ito kapanalig, dahil pag mas mahaba ang buhay mas matagal pa magsasama sama ang mga pamilya. Kaya lamang, sabay ng pagtanda ng maraming lipunan sa buong mundo ay ang paglawak naman ng “throw-away culture” na nakasanayan na natin. Ang overconsumption at ang pagtapon ng mga gamit o miski pagkain o kahit ano pang resources na papakinabangan pa ng iba ay senyales ng throw-away culture na ito. Ang masaklap, umabot na miski sa ating pakikitungo sa kapwa ang kultura na ito.
Ayon kay Pope Francis, sa throw-away culture, ang mga elderly ay isinasantabi natin at hindi nabibigyan ng sapat na proteksyon. Isa ito sa mga dahilang kung bakit ang mga seniors ang pangunahing target ng mga online scammers ngayon.
Sa mabilisang shift ng buong mundo sa digital technologies, maraming mga seniors ang hirap pang makahabol. Ayon nga sa Department of Social Welfare and Development, dumadami na ang nagta-target sa seniors dahil marami sa kanila ay hindi pa tech-savvy. Ayon naman sa National Bureau of Investigation (NBI). Noong 2021, umaabot sa P1 million hanggang P17 million ang nakuha ng mga scammers na ito mula sa kanilang mga biktima. Isang ehemplo dito ay ang panlilinlang sa isang 67 years old na byuda kung saan P8 million ang nakuha sa kanya.
Kapanalig, responsibilidad natin bilang Kristyanong lipunan na alagaan natin ang ating kapwa, lalo na ang pinaka-bulnerable sa atin, gaya ng mga seniors. Sabi nga ni Pope Francis: “The whole of society must hasten to protect the elderly-they are its treasures!
Kapag hindi natin aalagaan ang mga elderly, napakasaklap ng mga kahihinatnan o consequences nito. Buhay at dignidad nila ang nakataya. Kaya sana, magkaroon tayo ng mas maganda at angkop na social protection, at mas magandang health care, retirement and pension package para sa elderly. Kailangan din maging mas inclusive ang ating lipunan- kasama dito ang polisiya, programa, at imprastraktura-para mas maraming mga seniors ang tuloy tuloy ang partisipasyon sa lipunan. Ang ating mga elderly ang pundasyon ng ating lipunan, ang koneksyon natin sa nakaraan, at inspirasyon sa pagtataguyod ng mas makatao at makatarungang lipunan. Mahalin at pangalagaan natin sila.
Sumainyo ang Katotohanan.