33,442 total views
11th Sunday of Ordinary Time Cycle B
Father’s Day
Ez 17:22-24 2 Cor 5:6-10 Mk 4:26-34
Happy Father’s Day sa mga tatay na nandito! Ang ikatlong Linggo kada buwan ng Hunyo ay Father’s Day. Pinapaalaala po sa atin ang mga tatay natin. Malaki ang influensiya nila sa atin at malaki ang utang na loob natin sa kanila. Mahalaga ang tatay sa buhay ng bawat tao kaya nga noong ang Anak ng Diyos ay naging tao, kailangan niyang may tumayo na tatay sa buhay niya dito sa lupa. Ginampanan ito ni San Jose. Siya ang nagpamana kay Jesus ng kanyang pagiging galing sa lipi ni David; siya ang nangalaga at sumuporta kay Jesus at kay Mama Mary. Siya ang nagsalamin sa pagka-Ama ng Diyos para kay Jesus sa kanyang kabataan. Iyan din ang mga tatay natin. Magpasalamat tayo sa Diyos dahil sa kanila, ipagdasal natin sila, at kung nandiyan pa sila, batiin natin sila at ipakita ang ating pagpapahalaga sa kanila.
Ang Diyos nga ay Ama. Siya ang provider. Siya ang nagbibigay ng ating pangangailangan, kahit na madalas hindi natin ito namamalayan. Iyan ang ipinakita sa atin ng mga talinhaga ni Jesus. Ang binhi na itinanim ng magsasaka ay lumalaki na hindi namamalayan ng nagtanim. “Tutubo at lalago ang binhi ng hindi niya nalalaman kung paano.” Ganyan kumilos ang Diyos Ama; ganyan lumalago ang paghahari ng Diyos. Hindi natin ito kagagawan. Ito ay gawain ng Diyos.
Iyan din ang sinulat ni propeta Ezekiel sa ating unang pagbasa. Ang maliit na usbong ng sedro, isang punong kahoy na matigas, ay itatanim sa mataas na bundok. Dito siya lalago at magiging isang malaki at magandang puno ng sedro kung saan sisilong ang maraming mga ibon at mga hayop. Ang puno ng sedro na ito ay sumasagisag sa bayan ng Israel na ibabalik uli ng Diyos sa lupain ng Israel pagkatapos na sila ay ikinalat sa iba’t-ibang lupain ng mga Babylonians. Kakaunti lang sila noon pero lalago din sila sa kanilang lupain mismo. Ang Diyos ang may hawak ng takbo ng kasaysayan at makapangyarihan siya. Siya ay kumikilos sa kasaysayan kahit na hindi natin ito namamalayan.
Ngayon po magulo ang lupain ng Israel dahil sa guera sa Gaza. Hindi ito kalooban ng Diyos. Ayaw ng Diyos ng patayan. Maaari namang sama-samang lumago ang mga tao na naninirahan sa lupaing iyon. Nagkakagulo doon kasi ayaw ng mga Israelis at ng Hamas na magkaroon ng dalawang bansa kung saan sama-sama silang maninirahan. Kasakiman at kawalang tiwala sa bawat isa ang naghahari kaya patuloy ang digmaan, at ang namamatay at napipinsala ay ang mga bata, mga matatanda, mga kababaihan at mga civilians na naninirahan doon. Aabot na sa 36,000 ang napatay. Umaabot pa sa 80,000 ang nasugatan, nabulag at naputulan ng kamay at paa. Matindi ang kahirapan doon. Patuloy nating ipagdasal ang kapayapaan. Sa lalong madaling panahon maghari na nawa ang pagbabago at kasaganaan para sa lahat, at hindi lang sa isang pangkat doon sa lupain ng Israel.
Hinihikayat tayo ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa na mamuhay tayo ayon sa pananalig sa Diyos at hindi sa mga bagay na nakikita. Ayon sa ating nakikita parang imposible ang kapayapaan sa Gaza ngayon. Pero may pananalig tayo sa Diyos na hindi nagpapabaya. Dahil sa pananalig na ito, naisin natin na gawin ang kalugod-lugod sa Diyos dito sa lupang ibabaw. Ang pagdarasal dahil sa ating pagkabahala na hindi wasto ang nangyayari sa Gaza ay kalugod-lugod sa Diyos. Alalahanin natin na tayong lahat ay haharap sa hukuman ni Kristo at tatanggap ng kaukulang ganti sa ating ginawa sa buhay na ito, mabuti man o masama. May gantimpala ang bawat kabutihan natin at may parusa naman sa kasamaan na ginawa natin. Magdadala ng gantimpala ang mabuting pagnanais at mga panalangin natin sa mga nagdurusa.
Kaya hayaan natin, at huwag hadlangan, ang pagkilos ng Diyos sa ating buhay at sa ating kasaysayan. Ang pagkilos ng Diyos ay palaging nagsisimula sa maliit, pero ito ay lumalaki. Tingnan na lang natin ang ating buhay. Nagsimula tayo na maliit na sanggol – napakahina at napaka-cute. Ngayon malakas na tayo at marami na ang nagagawa natin na noon ay hindi natin kaya. Ang iba nga sa atin ay may malalaking responsibilidad na. Ganoon din ang mga malalaking puno. Nagsimula sa maliit na binhi. Ganoon din ang ating simbahan. Mag-isa lang si Jesus na nagsimula nito at ngayon ay kalat na buong mundo at marami nang kabutihan ang nagagawa ng simbahan. Nakikinabang din tayo sa malaking puno ng simbahan. Dito tayo kumukuha ng lakas at sigla sa ating buhay at dinadala tayo ng simbahan sa buhay na walang hanggan. Mga kapatid, kumikilos ang Diyos. Lumalago ang kanyang kaharian. Manalig at umasa tayo.
Bahagi tayo ngayon ng kaharian ng Diyos. Sa atin din kumikilos siya at sa pamamagitan natin lumalawak ang kaharian ng kabutihan at katotohanan. Hindi lang po tayo tagatanggap ng kaligtasan. Tayo ay tagapagdala din ng kaligtasan. Tayo ay katiwala ng kaligtasan. Hindi lang natin ito i-enjoy. Ibahagi din natin ito. Kaya nga ang bawat kristiyano ay tinatawag na MISSIONARY DISCIPLE. Tayo ay mga disipulo. Ipinunla sa atin ang pananampalataya. Bilang mga disipulo nakikinabang tayo sa mga biyaya ng Diyos. Pero hindi lang tayo disipulo. Hindi lang tayo tagasunod. Dahil sa binyag, tayo ay missionaries din na ang ibig sabihin, tagadala din ng Magandang Balita sa iba. Ibinabahagi din natin ito bilang mabubuting katiwala ng pananampalataya.
Kaya nga hindi tayo makontento na tayo lang ang nakakakilala kay Kristo at naglilingkod sa kanya. Masaya ang pagiging Kristiyano, di ba? Kaya gusto din natin na ito ay matanggap ng iba, lalung lalo na ng mga malapit sa atin sa buhay – ang pamilya natin, ang mga kaibigan natin, at ang kapitbahay natin. Kaya mayroon tayong mga KRISKA, mga Kristiyanong Magkapitbahan, upang sama-sama nating maisabuhay ang Magandang Balita, at sa gayon mapalago ang paghahari ng Diyos.
Huwag natin sabihin na hindi natin ito kaya. Maging generous lang tayo sa pagiging missionary disciples. Tinutulungan tayo ng Diyos sa gawaing ito. Kahit hindi natin namamalayan, kumikilos ang Diyos sa pamamagitan natin. Ang kaligtasan na sinimulan ng Diyos ay hindi niya pababayaan. Tatapusin niya ang kanyang sinimulan. Papalaguin niya ng kanyang tinanim. At nagpapasalamat tayo na bahagi tayo sa gawaing ito ng pagpapalago ng kaharian ng Diyos.