47,062 total views
Mga Kapanalig, hinatulang guilty ng Caloocan Regional Trial Court ang apat na pulis mula Caloocan City sa salang homicide kaugnay ng pagkamatay noong 2016 nina Luis Bonifacio at kanyang anak na si Gabriel, 19 anyos, sa isang operasyon sa ilalim ng war on drugs ni dating Pangulong Duterte.
Kuwento ng misis ni Luis, labinlimang pulis daw ang pumunta sa kanilang bahay. Nagulat na lamang sila nang biglang pumanhik sa kanilang bahay ang mga pulis na may mahahabang baril upang maghalughog. Naiwan sa itaas ng bahay sina Luis at Gabriel, at puwersahang pinababa ang ibang miyembro ng pamilya.
Hindi kumbinsido ang hukom sa salaysay ng mga pulis na sinalubong sila ng mga bala nang dumating sila sa bahay ng mga Bonifacio. Hindi raw makatuwiran ang paliwanag ng mga pulis na dinidepensahan lamang nila ang kanilang sarili dahil sila mismo ang sumugod. Hindi rin daw tamang basta-basta na lang nagpapaputok ng baril ang mga pulis. Maituturing daw itong pagsasawalambahala sa mga inosenteng puwedeng madamay.
Bagamat maituturing na tagumpay ang pagbababa ng hatol, dismayado pa rin ang pamilya Bonifacio at mga grupong katuwang nila sa pagkamit ng hustisya. Ipinetisyon ng pamilya sa Korte Suprema ang unang resolusyon ng Ombudsman na gawing apat lamang ang akusado sa kaso. Nais sana ng pamilyang mapanagot ang lahat ng pulis na sumugod sa kanila. Sa kasamaang palad, lumabas ang resulta ng petisyon noong Oktubre at hindi sila kinatigan ng Korte Suprema. Hindi rin ikinatuwa ng mga grupong tumutulong sa pamilya ang pagpapababa ng kaso sa homicide mula sa murder. Ayon sa Karapatan, isang human rights group, pang-apat pa lamang ito na nahatulan sa libu-libong kaso ng pagpatay sa war on drugs.
Sa kabila nito, para kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, patunay daw itong gumagana ang sistemang pangkatarungan sa bansa. Iginiit tuloy ng dating abogado ni dating Pangulong Duterte na si Atty. Salvador Panelo, hindi na raw kailangan pang makialam ng International Criminal Court dito. Pinuri din ni Secretary Remulla ang prosecutors ng DOJ sa pagsigurong mahahatulan ang mga pulis. Kinontra naman ito ng National Union of People’s Lawyers (o NUPL). Ang NUPL daw ang nangalap ng mga ebidensya, nagpresenta ng mga testigo, at nagpahukay sa labi ng mga biktima para ipa-re-autopsy. Wala raw silang tulong na natanggap mula sa mga pulis o prosecutors. Sa katunayan, tumestigo pa raw ang prosecutor ng gobyerno para sa mga akusado. Kaya naman, para sa Seceretary-General ng NUPL-NCR na si Atty. Kristina Conti, ang hatol na ito ay “exception more than the rule” at hindi raw maituturing na patunay ng gumaganang sistemang pangkatarungan sa bansa.
Binibigyang-diin ng Catholic social teaching na Justicia in Mundo ang mahalagang papel ng Simbahan—kasama ang bawat mananampalataya—sa pagtatagyugod ng katarungan sa mundo. Bahagi ng tungkulin natin bilang mga tagasunod ni Hesus na manawagan at isulong ang katarungan dahil kaakibat ito ng pagdadala ng Mabuting Balita. Dapat nating protektahan ang dignidad ng buhay, kundenahin ang walang habas na pagyurak dito, at papanagutin ang sinumang lalapastangan dito.
Kaya naman, maituturing na malaking hamon para sa atin ang pagpapanagot sa lahat ng may sala sa nagpapatuloy na war on drugs. Libu-libong buhay at dignidad ng tao ang isinantabi rito at hanggang ngayon, marami sa kanila ang patuloy na nananawagan para sa katarungan.
Mga Kapanalig, pinaaalala sa atin sa Mga Awit 33:4, “ang nais ng Diyos ay katwira’t katarungan.” Sundan natin ang nais ng Diyos. Maaari natin itong umpisahan sa pagtatanong kung tunay nga bang gumagana ang sistemang pagkatarungan sa bansa. Huwag tayong mapagod na magtanong, dumamay sa mga biktima ng kawalan ng katwiran sa ating bansa, at manawagan ng katarungan para sa kanila.
Sumainyo ang katotohanan.