17,076 total views
Inaanyayahan ng opisyal ng Vatican ang mga Pilipinong makiisa sa taunang pagdiriwang ng Pope’s Day sa June 29, 2024.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown, inihayag nitong ito ang pagkakataong gunitain sa pamamagitan ng panalangin ang malaking tungkulin na ginagampanan ng santo papa sa simbahang katolika.
Batid ng nuncio ang mga kaakibat na hamong kinakaharap ni Pope Francis bilang kahalili ni Pedro na unang pinagkatiwalaan ni Hesus sa itinatag na simbahan.
“It’s also a moment in which we remember the role of the Holy Father the successor of Peter in the church today. I would like to invite you to come and join the mass in Manila Cathedral and enjoy all the spiritual benefits of the said celebration,” pahayag ni Arcbishop Brown sa Radio Veritas.
Pangungunahan ni Archbishop Brown ang Pope’s Day Mass sa Minor Basilica of the Immaculate Conception o Manila Cathedral ganap na alas sais ng hapon kasama ang Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.
Taunang ipinagdiriwang ang Pope’s Day tuwing June 29 kasabay ng kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo na kilalang haligi ng simbahang katolika kung saan ipinagkatiwala ni Hesus ang pangangalaga sa kanyang kawan.
Ito rin ang inilaang araw para parangalan ang santo papa na visible lead ng simbahan sa pagpapatatag ng pananampalataya ng mamamayan tungo sa landas ni Hesus.
Si Pope Francis ang ika – 266 na naihalal na santo papa mula nang inihabilin ni Hesus kay San Pedro ang itinatag na simbahan.