23,168 total views
Nanawagan ng sama-samang pananalangin ng Santo Rosaryo ang mga obispo ng Simbahang Katolika upang ipanalangin ang proteksyon at kapayapaan ng Pilipinas kaugnay sa pilit na inaangking teritoryo ng China sa West Philippine Sea.
Bilang tugon sa patuloy na pag-igting ng tensyon na kinahaharap ng bansa partikular ng mga Pilipinong mangingisda at hukbong dagat ng Pilipinas ay naglunsad ng 50-day rosary campaign ang dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na si Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas upang ipanalangin ang tuwinang pananaig ng katarungan, katotohanan at kapayapaan kaugnay sa soberenya ng Pilipinas.
Magsisimula ang rosary campaign para sa kapayapaan sa West Philippines Sea ngayong ika-27 ng Hunyo, 2024 kasabay ng Kapistahan ng Our Lady of Perpetual Help o Mahal na Ina ng Laging Saklolo at magtatapos sa ika-15 ng Agosto, 2024 kasabay ng Solemnity of the Assumption of the Blessed Virgin Mary o Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ng Birheng Maria.
Ipinaliwanag ng Arsobispo na ang pag-usal ng Santo Rosaryo ay maituturing na pambihirang paraan upang manalangin at ganap na maipaabot ng bawat isa ang mga hinaing, pasasalamat, at pagsusumamo sa Panginoon.
“The rosary is simple and small and powerful like the mustard seed in the Gospel. I then ask all the Catholic faithful in the Archdiocese of Lingayen-Dagupan to join in-and invite others to do likewise – a Rosary Campaign from June 27 to the Solemnity of the Assumption on August 15.” Bahagi ng paanyaya ni Archbishop Villegas.
Bilang pakikiisa sa 50-Day Rosary Campaign para sa sitwasyon sa West Philippine Sea ay nanawagan rin ng sama-samang pananalangin si Legazpi Bishop Joel Baylon para sa pagkakaisa at kapayapaan sa bansa.
Bukod sa pag-usal ng Santo Rosaryo ay hinihikayat din ni Bishop Baylon ang bawat isa na dasalin ang Divine Mercy Chaplet gayundin ang pangungumpisal at pagsasakripisyo tulad ng pag-aayuno.
Inirekomenda rin ni Bishop Baylon ang pagsasagawa ng Mass for Peace and Justice upang ipanalangin ang paggabay ng Panginoon sa bawat Pilipino partikular na sa mga lider ng bansa at mga inatasang protektahan ang sambayanan.
Kasabay nito ang panawagan ng Obispo na tuwinang isama sa pananalangin ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipinong mangingisda at Hukbong Dagat ng Pilipinas na nangangasiwa sa pagtiyak ng kaligtasan at soberenya ng bansa sa inaangking teritoryo ng China sa West Philippine Sea.
“In light of the many voices and concerns surrounding the current national situation, it is crucial that our Christian faith be translated into love for the Philippines and commitment to good citizenship. I therefore encourage all parish communities, religious groups, Catholic schools, and families to come together in prayer during these challenging times with the fervent petition that present tensions obtaining in our midst be resolved peacefully in the spirit of mutual respect. prayer is our most potent weapon and a source of unity and strength.” Bahagi ng panawagan ni Bishop Baylon.
Ang pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea ay saklaw ng 200-nautical miles Exclusive Economic Zone ng Pilipinas batay na rin sa 1982 UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na dinaraan ng tinatayang umaabot sa higit 5-trilyong dolyar ang halaga ng kalakal mula sa iba’t ibang bansa kada taon.
Magugunitang, Hulyo ng taon 2015 nang unang nagpalabas ng Oratio Imperata ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na nananawagan sa mga mananampalataya na mag-alay ng panalangin para sa mapayapang paglutas ng territorial dispute sa West Philippine Sea.
Samantala, una ring binigyang diin ni Pope Francis sa mahigit 150 lider sa buong mundo na kasapi ng United Nations ang nararapat na pagkilala sa karapatan sa pagmamay – ari ng teritoryo lalo na ng mga mahihirap na bansa.