228 total views
Ikinatuwa ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Health Care ang proklamasyon ng Department of Education na wala nang dapat ikabahala ang mga magulang at grupong tumututol, sa ninanais ng Department of Health na mamigay ng condoms sa mga paaralan sa bansa.
Ayon kay Fr. Dan Cancino, Executive Secretary ng komisyon, magandang hakbang ang ginawa ng DepEd upang simulan ang mga mungkahing pagpapaigting sa pagtuturo ng kaalaman at pagmulat sa kamalayan ng mga kabataan kaugnay sa HIV/AIDS at sex education.
“Yung recent na proclamation ni Secretary Briones na hindi na magdi-distribute ng condom sa mga eskwelahan ay magandang hakbang para tingnan natin kung ano-ano ang mga magandang mungkahi na gawin para talaga sagutin yung problema sa HIV and AIDS.”pahayag ni Father Cancino sa Radyo Veritas.
Nanindigan din ang komisyon na ang maayos na values formation ang tunay na susi upang mapatibay ang moralidad ng mga kabataan.
Naniniwala ang pari na ang edukasyon sa mga kabataan ang pagpapalaganap ng kamalayan at kaalaman o values formation para sa pagpapahalaga sa buhay, sa relasyon at sa pamilya na susi para matugunan ang problema sa nakakahawang sakit.
Iginiit ni Father Cancino na ang pagbibigay edukasyon ay hindi lamang tungkulin na dapat i-atang sa mga eskwelahan dahil ang responsibilidad ng paghubog sa bawat kabataan ay nakaugat sa pamilya.
Positibo ang pari na mas magiging epektibo kung magsasama-sama ang iba’t-ibang sector ng lipunan kabilang na ang simbahan, ang pamilya, ang eskuwelahan at ang pamahalaan para sa iisang layunin na itaguyod ang pagpapahalaga sa katauhan, sa relasyon at sa sarili.
“Hindi lang naman eskuwelahan ang dapat mag- educate sa human sexuality. Ang responsibilidad ay nag-uumpisa yan sa pamilya, at dapat multi-sectoral, simbahan, pamilya, eskuwelahan, gobyerno, at yung thrust natin ay the same pagpapahalaga ng katauhan, pagpapahalaga ng relasyon, pagpapahalaga sa sarili.”pahayag ni Fr. Cancino sa Radyo Veritas.
Nauna rito, nanawagan ang CBCP-ECHC sa lahat ng sektor para sa nagkakaisang pagkilos upang mapigilan ang mabilis na pagtaas ng bilang ng mga may HIV-AIDS sa bansa.
Read: http://www.veritas846.ph/mabilis-na-pagtaas-ng-kaso-ng-hiv-aids-nakakaalarma-na/