53,573 total views
Mga Kapanalig, nitong mga nakaraang buwan, ilang beses na inilagay sa yellow at red alert ng National Grid Corporation of the Philippines ang Luzon at Visayas power grids. Ito raw ay dahil sa pagpalya ng ilang power plants at hindi sapat na suplay ng kuryente na nagdulot ng power interruptions at pagtaas ng singil sa kuryente. Kaya naman, muling umigting ang mga panawagang lumipat na tayo sa renewable energy bilang pinagkukunan ng kuryente.
Ang renewable energy (o RE) ay malinis at sustainable na altenatibo sa enerhiyang mula sa fossil fuels katulad ng coal, oil, at natural gas. ‘Di hamak na mas kaunti ang ibinubuga nitong polusyon at greenhouse gases na nagpapatindi sa pag-init ng mundo. At sa lumalalang krisis sa klima, alam nating ang mga mahihirap ang pinakalantad at nagdurusa sa mga epekto nito. Kaya napakahalagang maisulong ang energy transition na hindi lang malinis at sustainable kundi makatarungan din.
Isa sa mga pinaplanong RE project ngayon ay ang 2,000 ektaryang floating solar power project sa Laguna de Bay. Ang nakalulungkot, posibleng maapektuhan nito ang kabuhayan ng libu-libong mangingisda. Ayon sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (o Pamalakaya), mahigit 800 na mangingisda sa bayan ng Bay sa Laguna ang nangangambang mawawalan sila ng kabuhayan dahil sa proyekto. Saad ng Pamalakaya, maaaring maapektuhan din ang mahigit 10,500 na mangingisda at manggagawa sa aquaculture sa Laguna. Haharangan daw kasi ng proyekto ang kanilang mga bangka, mawawalan sila ng access sa kanilang pangisdaan, at gigibain ang kanilang mga daungan. Ipinahayag ng grupo ang pagkadismaya sa kawalan ng konsultasyon sa mga apektadong komunidad at kawalan ng plano para sa maapektuhang kabuhayan.
Ang pinakamahihirap ang may pinakamaliit na kontribusyon sa greenhouse gases, ngunit sila ang pinakaapektado sa krisis sa klima. Patunay ito ng ‘di pagkakapantay-pantay sa mundo. Ang mga korporasyon ang kumikita sa pag-ubos ng mga likas na yaman sa mundo ngunit ang mahihirap ang nagdudusa sa masamang epekto nito. Kaya naman, higit na kailangan natin ng pagkilos na makatarungan at hindi tinatapakan ang karapatan at kabuhayan ng mga isinasantabi sa lipunan. Ayon sa Philippine Statistics Authority, ang mga mangingisda ang pinakamahirap na sektor sa bansa. Lalo silang maghihirap kung babalewalain natin ang kanilang boses at ang kanilang karapatang makilahok sa mga pag-uusap tungkol sa mga proyektong makakaapekto sa kanila. Sa isang makatarungan o just energy transition, dapat walang iniiwan, dapat walang isinasantabi.
Sa mga panlipunang turo ng Simbahan, binibigyang-diin natin ang pagkiling sa mahihirap at pagtataguyod sa kabutihang panlahat. Sa pagharap natin sa krisis sa klima, mahalagang maisulong ang energy transition mula sa fossil fuels tungo sa renewable energy. Gayunpaman, sa paglipat na ito, mahalagang isaalang-alang ang kapakanan ng mahihirap at mga bulnerableng sektor. Sa isang mensahe noong 2019, sinabi ni Pope Francis na kung maisasagawa natin nang maayos ang energy transition, maaaring makalikha ng mga bagong kabuhayan, mabawasan ang ‘di pagkakapantay-pantay sa mundo, at mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga taong apektado ng climate change.
Mga Kapanalig, sa pagsusulong natin ng renewable energy, mahalagang makatarungan ang isinasagawang transition. Dapat walang maiiwan sa pag-unlad. Kinakaharap natin ngayon ang krisis sa klima dahil sa pag-ubos ng mga likas na yaman sa ngalan ng kaunlaran na pangunahing nakikinabang lang naman ay iilan. Samantala, ang mga mahihirap ang pumapasan sa mga negatibong epekto nito. Humantong tayo sa kumukulong planetang ito dahil sa pagsasantabi sa kabutihang panlahat, lalo na ang kabutihan ng mga mahihirap. Huwag nating hayaan na sila rin ay maisasantabi sa energy transition. Gaya ng salita sa Galicia 6:2: “Magtulungan [tayo] sa pagbuhat ng pasanin ng bawat isa.”
Sumainyo ang katotohanan.