51,450 total views
Mga Kapanalig, sa pagtutok natin sa kalusugan ng mga bata at kabataan, nabibigyang-pansin din ba ang kalusugan ng kanilang pag-iisip o mental health?
Kung ang sagot ninyo ay “hindi,” mukhang kailangan natin itong pansinin. Tumaas daw kasi ang suicide rate sa mga kabataan noong 2023. Ayon sa Unilab Foundation, may 404 na kaso daw ng completed suicide o pagpapatiwakal na nauwi sa kamatayan. Nasa 2,147 naman ang kaso ng attempted suicide o mga pagtatangkang magpakamatay.
Nitong Hunyo, pumirma ng kasunduan ang Commission on Higher Education (o CHED) at Unilab Foundation para sa training program ng mga guidance counselor, health staff, at student leaders sa mga higher education institutions para sa suicide awareness and prevention. Ayon kay CHED Chairperson Prospero de Vera III, ang pagpapaubaya sa mga guro ng mga isyu sa mental health ng mga estudyante, gaya ng karaniwang ginagawa, ay “prone to mistakes”, lalo na kung hindi sapat ang kakayahan ng mga guro na tugunan ang mga ito. Makatulong sana ang hakbang na ito ng CHED para makatanggap ang mga estudyanteng nakararanas ng mga isyu sa mental health ng angkop na tugon mula sa mga trained individuals.
Hindi rin exempted sa mga mental health issues ang mga nasa murang edad. Ayon sa Department of Education (o DepEd), may 1,686 na kaso ng completed suicide at 7,892 na kaso ng attempted suicide sa mga estudyanteng nasa elementary at high school mula 2017 hanggang 2023. Isa sa mga kakabit na isyu ng mental health na karaniwang hinaharap ng mga bata ay ang pambu-bully. Ipinakita sa 2022 Programme for International Student Assessment na isa sa bawat tatlong estudyanteng Pilipino ang nakaranas ng pambu-bully, at mayroon daw itong negatibong epekto sa kanilang pag-aaral. Dahil dito, kasabay ng mga mental health programs ng DepEd, kasalukuyang pinag-aaralan ang paggamit ng Filipino Social and Emotional Learning competency framework upang magabayan ang mga guro sa pagtuturo sa mga bata ng good social behavior na makatutulong sa pag-iwas sa pambu-bully.
Mainam ang mga tugong ito sa pagpapahalaga sa mental health, lalo na sa mga bata at kabataan. Ang kalusugan ng kanilang pag-iisp ay konektado sa pagbuo ng kanilang pagkatao at kanilang pag-aaral. Ngunit hindi lang sa pansariling kapakanan ang epekto ng maayos na mental health, kundi pati na rin sa pakikitungo ng mga bata at kabataan sa mga nasa paligid nila. Sa mensahe ni Pope Benedict XVI sa World Day of the Sick noong 2006, sinabi niyang kasabay ng paglitaw ng mga mental health illnesses ang posibilidad na masira ang social cohesion ng mga panlipunang institusyon gaya ng pamilya.
Sa huli, mga Kapanalig, hindi lang sana sa mga paaralan bigyang-pansin ang mental health ng mga bata at kabataan. Dapat itong magsimula sa tahanan pa lang, sa kanilang pamilya. Maging sensitibo tayo sa kanilang mga dinaranas at nararamdaman. Kalingain natin sila bilang tanda ng ating pananampalataya, gaya ng sabi sa 1 Timoteo 5:8. Maaari nating simulan sa simpleng paraan ng pakikinig sa kanila nang walang panghuhusga upang maramdaman nilang may katuwang sila sa kanilang mga pinagdadaanan.
Sumainyo ang katotohanan.