14,634 total views
Hiniling ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Kamahal-mahalang Puso ni Hesus ang pagpapanibago ng puso ng mga taong patuloy na nagsusulong ng digmaan sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.
Ito ang bahagi ng panalangin ng santo papa sa lingguhang general audience sa Vatican sa pagtatapos ng buwan ng Hunyo na tinaguriang Sacred Heart of Jesus Month.
Ayon kay Pope Francis nawa tulad ng puso ni Hesus ay itataguyod ng sangkatauhan lalo na ng lider ng mga bansa ang pakikipagdayalogo at pakikipagkapatiran tungo sa pagkakamit ng kapayapaan sa sanlibutan.
“On this last day of June, let us implore the Sacred Heart of Jesus to touch the hearts of those who want war, so that they may be converted to projects of dialogue and peace,” bahagi ng mensahe ni Pope Francis.
Kabilang sa tinuran ng santo papa ang nagpapatuloy na karasahan sa Ukraine dahil sa pananakop ng Russia, sa Palestina, Israel, Myanmar at sa iba pang lugar lalo na sa Middle East.
Muling binigyang diin ni Pope Francis na walang maidudulot na kabutihan ang digmaan kundi pagkasira at pagkakahati-hati ng pamayanan.
Sa pag-aaral ng Global Peace Index mula ika – 21 siglo, digmaan ang pinakanangungunang sumisira sa buhay ng mamamayan tulad sa Ukraine na kumitil na ng humigit kumulang 83-libong indbidwal.
Bukod pa rito ang 13 porsyentong pagkalugi sa global Gross Domestic Product na nagdudulot ng higit na kahirapan at kagutuman sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.
Patuloy ang panawagan ni Pope Francis sa international leaders na magkaisang tugunan ang mga krisis na kinakaharap ng mga bansang may digmaan at isulong ang dayalogo tungo sa pagkakasundo.