36,216 total views
Inihayag ni dating Senador Leila De Lima ang planong pagsasampa ng kaso laban sa mga nasa likod ng kanyang pagkakakulong sa loob ng nakalipas na pitong taon.
Ito ang ibinahagi ni De Lima sa programang ‘Oras ng Bayan’ sa himpilan ng Radyo Veritas.
Inihayag ng dating Senador ang paninirang puri, pagkasira ng reputasyon at pambabastos na kanyang naranasan dahil sa mga maling paratang at walang saysay na mga alegasyon ng nakalipas na administrasyong Duterte.
Ibinahagi ni De Lima na seryosong sinusuri ng kanyang legal team kung anong mga kaso ang nararapat na isampa upang makuha ang katarungan mula sa kanyang sinapit na pagkakakulong dahil sa malisyosong pag-uusig at mga imbentong ebidensya ng kanyang pagkakaugnay sa illegal na droga.
“Seryoso na pong pinag-aaralan ng aking legal team yan dahil nga it’s a matter of justice, hustisya po yan. Grabe yung ginawa nila I was wronged, I mean yung mga [ipinaratang nila sa akin] yung dignity ko, yung katauhan ko, yung pagkababae ko, binabastos nila ng binastos, tapos yung reputasyon ko sinira nila ng sinira dahil mayroon talagang mga naniwala doon sa mga akusasyon na yun na involve daw ako sa droga.” pahayag ni De Lima sa Radyo Veritas.
Ayon sa dating mambabatas masusing pinag-aaralan ng kanyang mga abogado kung anong mga kaso ang nararapat na isampa na nakabatay sa False or Malicious Prosecution.
Paliwanag ni De Lima, pagkamit ng katarungan at hindi paghihiganti ang layunin ng kanyang pagsasampa ng kaso upang mabunyag kung sino at paano naisakaturapan ng mga nasa likod ng kanyang pagkakabilanggo ang pananakot sa mga tumestigo.
“Ito pong legal team ko nagiging maingat din sila kung anong klaseng mga kaso,ang pinaka-basis yung False or Malicious Prosecution, it’s a matter of justice hindi ito dahil gusto kong maging vindictive o vengeance, hindi naman po yun ang pakay ko gusto ko lang din malaman ng mga tao paano ginawa yun, paano kinumbinsi yung mga testigo na yun, yung mga nagsinungaling, sino sino yung mga nagkumbinsi, sino-sino yung nanakot sa kanila, who are really behind it although alam naman natin kung sino ang pasimuno niyan, makikita natin yan dun sa mga pinagsasabi niya noon.” Dagdag pa ni De Lima.
Matatandaang nitong ika-24 ng Hunyo, 2024 ng tuluyang maabswelto si De Lima sa kanyang huling kasong may kinalaman sa droga na isinampa ng dating administrasyong Duterte.
Inaasahang kabilang sa maaring makasuhan ng dating mambabatas sina dating Pangulong Rodrigo Duterte, dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre at iba pang matataas na opisyal ng nakaraang administrasyon.
Nagpapasalamat naman si De Lima sa lahat ng mga patuloy na naniwala, nagtiwala at nanalangin para sa kanyang paglaya matapos na makulong ng walang batayan sa loob ng nakalipas na pitong taon.