22,755 total views
Nais ng grupo ng mga guro na unahing tutukan ng bagong talagang kalihim ng Department of Education ang kalagayang pangkabuhayan ng mga guro sa buong bansa.
Ayon kay Teachers Dignity Coalition, nawa ay bigyang tuon ni incoming DepEd Secretary Juan Edgardo Angara ang umento sa sahod at benepisyo ng mga guro.
Sinabi pa ni Basas sa panayam ng Radyo Veritas, isa si Angara bilang mambabatas na nagsulong ng karagdagang sahod para sa mga guro, kaya’t muling hinikayat ang kalihim na suportahan ang kahilingan ng sektor ng edukasyon.
Ayon pa kay Basas, bukod sa mga guro ay dapat ding unahin ni Angara ang pagsasaayos ng kalagayan ng mga mag-aaral, katulad na ang pagkakaroon ng mga karagdagang silid aralan sa mga paaralan.
“Dalawang bagay po talaga, ang aming gustong bigyan ng pansin ng ating secretary yung kalagayan ng ating mga teacher at itong kalagayan ng ating mga estudyante.Tama naman po kayo na kahit na sabihin nating yang mga teacher natin na nasa maayos na kalagayan, mataas ang sweldo, mataas ang moral…Pero siyempre kung mga bata naman natin ay hindi nakakain, walang mga libro, walang mga facilities na kailangan sa mga eskwelahan, siksikan sa classroom. Hindi rin po ito mag bi-build ng magandang resulta kaya dalawa po talaga, teachers at mga bata,” ayon kay Basas sa panayam ng Radyo Veritas.
Hinikayat din ng opisyal ang bagong kalihim sa muling pagsusuri at pag-aaral ng curriculum na maiakma sa kultura ng bansa, at hindi sa kultura ng mga banyaga.
“Ang sinasabi po natin diyan dapat we have to revisit the curriculum and we have to revised the curriculum to make it more, kumbaga aligned with our socio -cultural context dito sa PIlipinas, kasi ang problema natin ay lahat ng ginawa nating amendment o revision sa ating curriculum ay naka-pattern doon sa ibang mga bansa sa Australia, US or wherever,” ayon pa kay Basas.
Sa kasalukuyan ang buwanang sweldo ng mga pampublikong guro sa bansa ay nasa P29,000 kada buwan.
Naitala naman sa higit 847 libo ang bilang ng mga guro na nangangasiwa sa 28.7 milyong mga mag-aaral.