13,172 total views
Inaprubahan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang pagtalaga ng national shrine ng Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of Mercy sa Novaliches Quezon City at Diocesan Shrine of Our Lady of Assumption o Maasin Cathedral sa Leyte.
Ginawa ang pag-apruba sa dalawang national shrines sa bansa sa unang araw ng 128th plenary assemnbly ng CBCP nitong July 6 sa Chali Conference Center sa Cagayan De Oro City.
Tinuran ng CBCP na ang dalawang dambana ay kaaya-aya at maituturing na sentro ng pagpapalago ng debosyon at pananampalataya ng bawat perigrinong dadalaw.
Ang simbahan ng Our Lady of Mercy sa Novaliches ay itinatag ng mga Agustinong misyonero noong 1856 kung saan ang patrona at imahe ay dinala ni Fr. Andres Martin, OSA ang kauna-unahang pari ng Novaliches.
Taong 2008 nang ideklara ni Novaliches Bishop Emeritus Antonio Tobias ang simbahan bilang pandiyosesanong dambana habang noong 2021 ay ginawaran ito ng special bond of spiritual affinity sa Papal Basilica of St. Mary Major in Rome gayundin ang canonical coronation.
Ang Maasin Cathedral naman ay itinatag noong 1700s ng mga Heswita at isa sa mga taguring baroque style na simbahan sa Pilipinas kung saan nakadambana ang 200-year old image ng Nuestra Senora dela Asuncion de Maasin.
Noong 2015 ginawaran ng episcopal coronation ang imahe sa ritong pinangunahan ni noo’y Manila Archbishop Cardinal Luis Antonio Tagle habang 2022 ang canonical coronation sa pangunguna ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown.
Ang dalawang bagong national shrine ay karagdagan sa 29 na mga national shrines sa bansa na dinadayo ng mga deboto at makatutulong sa pagpapalalim ng debosyon at pakikipag-ugnayan sa Panginoon