13,208 total views
Isinusulong ng Caritas Philippines sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang pagpapalabas ng pastoral exhortation sa ikalimang dekada ng Alay Kapwa program ng simbahan.
Sa panayam ng Radio Veritas sinabi ni Caritas Philippines President, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo na mas pinalawak nito ang programang Alay Kapwa upang higit na makapaglilingkod sa mga nangangailangan sa pamayanan.
Sinabi ni Bishop Bagaforo na bagamat may mga pagbabagong ginawa sa kasalukuyang Alay Kapwa program nakatuon pa rin ito sa ‘mercy, development and justice’ bilang patuloy na pagkalinga ng simbahan sa higit nangangailangan.
“We would like the CBCP now will come up with pastoral exhortation for everyone to know that Alay Kapwa is already 50 years old na from a simple Palm Sunday Alay Kapwa collection ay mayroon na ngaypng Alay Kapwa Expanded Program na one whole year fund raising activity ang gagawin at ang konsepto will now be an annual giving scheme mula sa ating mga donors,” pahayag ni Bishop Bagaforo.
Matatandaang noong 2021 inilunsad ng Caritas Philippines ang pagpalawak ng programa kung saan itinatag ng 7 Alay Kapwa Legacy Programs tulad ng Alay Kapwa para sa Karunungan, Alay Kapwa para sa Kalusugan, Alay Kapwa para sa Kabuhayan, Alay Kapwa para sa Kalikasan, Alay Kapwa para sa Katugunan sa Kalamidad, Alay Kapwa para sa Katarungan, Kapayapaan, at Mabuting Pamamahala, at ang Alay Kapwa para sa Kasanayan.
Ibinahagi ni Bishop Bagaforo na pararangalan din ng social arm ng CBCP ang mga piling social action centers sa bansa na patuloy pinalalago ang mga programa at Gawain ng social action.
“Sa ating celebration of the jubilee year next year ng Alay Kapwa ay magbibigay tayo ng award sa mga outstanding Diocesan Social Action Centers at yung award na ibibigay natin ay ‘Bishop Julio Xavier Labayen Award of Excellence in Service in Social Action,” ani Bishop Bagaforo.
Paliwanag ng obispo na ito ay ipinangalan kay Bishop Julio Labayen na naging kauna-unahang chairperson ng Episcopal Commission on Social Action Justice and Peace at ng National Secretariat for Social Action ng CBCP mula 1966 at kinilala rin itong pillar ng mga social action programs ng simbahan Lalo na ang adbokasiya ng panlipunang katarungan.
Taong 1975 nang itatag ng CBCP ang Alay Kapwa na isang Lenten evangelization at resource mobilization program para sa simbahang katolika sa bansa.