10,073 total views
Pinaalalahanan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mga mananampalataya na maging kasangkapan sa pagpapadaloy ng biyaya at pagpapatotoo kay Kristo.
Sa pagninilay para sa solemn declaration ng Minor Basilica and Parish of St. John the Baptist sa Taytay, Rizal nitong Hulyo 9, hinimok ni Cardinal Advincula ang bawat isa na tularan si San Juan Bautista na walang alinlangang ibinahagi at pinadaloy ang biyaya upang mailapit sa mga tao ang pag-ibig at pagpapala ni Kristo.
“Padaluyin natin ang gawa, ang awa, at pagmamahal ng Diyos sa isa’t isa. Sa halip na maging ganid at madamot, maging daan nawa tayo upang umagos ang biyaya mula sa Diyos patungo sa ating kapwa. Ihatid natin ang biyaya at pagmamahal ni Kristo sa bawat isa, maging daan tayo ng pagpapadaloy ng biyaya,” pagninilay ni Cardinal Advincula.
Ibinahagi ng kardinal na bukod sa pagiging mag-pinsan, ipinakita rin ni San Juan Bautista ang pagiging tunay na kaibigan kay Hesus sa pamamagitan ng kapakumbabaang pagpapahayag ng katotohanang hindi siya ang mesiyas, kundi ang Panginoong Hesukristo.
Ipinaliwanag ni Cardinal Advincula na kahanga-hanga ang katangian ni San Juan Bautista dahil sa kabila ng katanyagan at kagalingan, tapat pa rin nitong ginampanan ang misyong ipakilala at ilapit sa mga mananampalataya ang Panginoon.
“Mga kapatid, maging kaibigan nawa tayo ni Hesus. Katulad ni San Juan, magpatotoo tayo sa liwanag, magpatotoo tayo sa tunay na mesiyas, magpatotoo tayo kay Hesus. Pagpapadaloy ng biyaya at pagpapatotoo kay Hesus—ito ang mga biyayang hihilingin natin sa Diyos dito sa ating basilika ni San Juan Bautista sa Taytay. Nawa’y ipagkaloob sa atin ito ng Panginoon,” ayon kay Cardinal Advincula.
Pinangunahan ni Cardinal Advincula ang banal na misa at maringal na pagtatalaga sa ika-23 Minor Basilica sa Pilipinas at kauna-unahan sa Diyosesis ng Antipolo at lalawigan ng Rizal, katuwang sina Antipolo Bishop Ruperto Santos at Basilica Rector, Fr. Pedrito Noel Rabonza III.
Saksi naman sa pagdiriwang sina Antipolo Auxiliary Bishop Nolly Buco; Antipolo Bishops emeriti Francisco de Leon at Gabriel Perez; Catholic Bishops’ Conference of the Philippines vice president, Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara; iba pang arsobispo at obispo sa Pilipinas; mga pari ng Diyosesis ng Antipolo at mga karatig na diyosesis; at mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Antipolo at lalawigan ng Rizal.