17,803 total views
Maglulunsad ng Day of Prayer for the West Philippine Sea ang Social Action Ministry ng Archdiocese of Lingayen Dagupan sa Pangasinan.
Ito ang hakbang ng arkidiyosesis para isulong ang mapayapang pagresolba sa usapin ng pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Ipinabatid ng St. John the Evangelist Parish sa Infanta Pangasinan na mahalagang palakasin ang pananalangin at pagdulog ng pamamagitan ng Mahal na Birhen Maria para makamit ng bansa ang hinahangad na pagkakaisa at kapayapaan.
“As a Pueblo Amante de Maria, let us unite as a community to pray and seek the intercession of Our Lady for peace in the West Philippine Sea and the protection of the entire Philippines,” bahagi ng pahayag ng parokya.
Isasagawa ang Marian Prayer Voyage sa July 16, 2024 na sisimulan ng banal na misa sa alas sais ng umaga sa Sto. Niño Chapel Legaspi Compound, Brgy. Cato, Infanta Pangasinan.
Ito ay pangungunahan ni Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas kasama si Alaminos Bishop Napoleon Sipalay Jr. at mga pari ng lalawigan.
Susundan ito ng fluvial rosary parade sa Dasol Bay kung saan inaasahan ang pagdalo ng maraming mananampalataya mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan ng Archdiocese of Lingayen Dagupan, Diocese of Alaminos at ng Diocese of Urdaneta.
Katuwang ng Social Action Ministry sa paglulunsad ng gawain ang Cato Pastoral Council, Cato Barangay Council, Saint John the Evangelist Parish- Infanta, Philippine Coast Guard, Infanta Maritime Law Enforcement Team, Cato Infanta Fisherfolk Association Inc. at Mdm. Melanie Martinez ang maybahay ni Infanta Mayor Marvin Martinez.
Unang inilunsad ni Archbishop Villegas ang 50-day rosary campaign para sa West Philippine Sea na nagsimula noong June 27.
Inaasahang maglathala ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ng Oratio Imperata for Peace na dadasalin mula July 25 sa kapistahan ni Apostol Santiago hanggang January 1, 2025 sa pagdiriwang ng World Day of Prayer for Peace.