51,849 total views
Mga Kapanalig, noong Hunyo pinaputukan ng isang armadong grupo ang mga katutubong residente ng Maria Hangin Island sa Balabac, Palawan.
Nangyari ang insidenteng ito isang araw matapos pigilan ng mga residente ang mga tauhan ng Department of Agrarian Reform (o DAR) na dumaong sa isla. Magsagawa sana noon ng konsultasyon ang DAR, kasama ang ilang pulis, mga miyembro ng Philippine Coast Guard, at kinatawan umano ng San Miguel Corporation (o SMC). Ayon sa mga community leaders, paaalisin daw sila sa isla na gustong gawing ecotourism project ng SMC. Inalok din daw sila ng nasabing kumpanya ng ₱100,000 kada pamilya kapalit ng pag-alis sa isla. Humingi ng tulong ang mga residente sa Commission on Human Rights (o CHR) na nagsagawa agad ng konsultasyon nitong mga nakaraang buwan. Inimbitahan ng CHR ang SMC pero hindi ito sumipot.
Ayon sa DAR, nagpunta sila sa Maria Hangin upang ipaliwanag sa mga residente ang desisyon nitong alisin ang isla sa ilalim ng tinatawag na notice of coverage ng Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (o CARPER). Nagkaroon din daw ng public consultation at mga hearing ang lokal na pamahalaan ng Balabac para pag-usapan ang pinaplanong ecotourism project. Sa mga meeting na ito, nagpahayag ng pangamba ang mga residente sa posibleng pinsalang dala ng proyekto sa kanilang tirahan at kabuhayan. Giit ng mga environmental groups, ang 38 ektaryang Maria Hangin Island ay pinag-iinteresan ng SMC para sa isang 25,000 ektaryang ecotourism project. Itinanggi naman ng kumpanya ang akusasyong security personnel nito mula sa karatig na isla ng Bugsuk—kung saan may malawak na mga lupaing pagmamay-ari ang kumpanya—ang nasabing armadong grupo.
Apektado sa harassment ng armadong grupo ang nasa 130 pamilya, na karamihan ay seaweed farmers. Nasa 30 pamilya na rin ang umalis dahil sa pananakot. Marami na ang nananawagan, pati na si Bishop Socrates Mesiona ng Puerto Princesa, na mamagitan na ang gobyerno upang itigil ang karahasan at protektahan ang karapatan ng mga katutubo. Dumulog din sila sa National Commission on Indigenous Peoples para bilisan nito ang pagproseso sa ancestral domain claim ng mga katutubo sa isla nang maresolba ang tumitinding alitan sa lupa.
Sa kanyang mensahe noong 2014, sinabi ni Pope Francis na ang land grabbing o pang-aagaw ng lupa ay isa sa mga kasamaang naghihiwalay sa mga katutubo sa kanilang lupang pinagmulan. Ang paghihiwalay na ito ay hindi lamang pisikal na pag-alis sa kanilang lugar. Para ring inaalisan ng ugat ang kanilang pagkatao, pagkakakilanlan, at paniniwala. Sa pagpapalayas sa mga katutubo sa kanilang lupang ninuno, nanganganib na mawala ang kanilang paraan ng pamumuhay at malalim na ugnayan sa lupa.
Binibigyang-diin sa mga panlipunang turo ng Simbahan ang pagtataguyod ng human dignity at solidarity. Sa pagsusulong ng kaunlaran, hindi lamang ang materyal na pangangailangan ng mga mamamayan ang tinutugunan. Hindi dapat balewalain ang karapatan at dignidad ng bawat isa. Lalong hindi dapat isinasantabi ang mga katutubong madalas agawan ng lupa ng mga korporasyon, pulitiko, at mga mayayamang nagmamay-ari na ng malalawak na lupain.
Mga Kapanalig, ayon sa grupong Global Witness noong 2021, mahigit 40% sa mga pinatay na land and environmental defenders sa nakalipas na dekada sa Pilipinas ay mga katutubong ipinagtanggol ang kanilang lupa at ang kalikasan. Huwag sanang humantong sa ganito ang sitwasyon ng mga kapatid natin sa Maria Hangin. Walang pinipiling panahon ang karahasan laban sa mga isinasantabi sa lipunan, kaya patuloy din sana ang pagkilos at pakikiisa natin sa mga panawagang ipagtanggol ang mga katutubong tagapagtanggol. Gaya ng pahayag sa Mga Kawikaan 31:8-9, ipaglaban natin ang karapatan ng mga api at igawad sa kanila ang katarungan.
Sumainyo ang katotohanan.