11,728 total views
Inaanyayahan ng Camillian Philippine Province ang mga mananampalataya na makibahagi sa pagdiriwang ng kapistahan ni San Kamilo de Lellis.
Dalangin ni Camillian Philippines Provincial Vicar, Fr. Dan Cancino, MI na ang kabanalan ni San Kamilo nawa’y mag-akay sa lahat ng mga naghihirap dulot ng iniindang mga karamdaman patungo sa kagalingan at pag-asang hatid ng Panginoong Hesukristo.
Gayundin ang pananalangin para sa mga healthcare worker at mga pamilyang nag-aalaga ng maysakit sa kanilang mga tahanan na inilalaan ang buhay at oras upang makapaghatid ng lunas at pag-asa sa mga may sakit.
“Sa pamamagitan ng pagdarasal ng ating patron, San Kamilo de Lellis, nawa ang paghilom at pagpapagaling ng ating Panginoon ay maranasan ng mga may karamdaman at ng bawat pamilyang Pilipino,” ayon kay Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Ipinanganak si San Kamilo o St. Camillus de Lellis noong Mayo 25, 1550 sa Naples, Italy; at taong 1582 ay itinatag ang Ministers of the Infirm o mas kilala bilang Camillians, na ang misyo’y maglingkod sa mga may karamdaman at higit na ilapit ang kagalingang hatid ng Panginoong Hesukristo.
Pumanaw si San Kamilo noong Hulyo 14, 1614 sa edad na 64; ganap na naging santo noong 1746 sa pamamagitan ni Pope Benedict XIV (the fourteenth), at itinuturing na patron ng mga ospital, healthcare workers, at mga may karamdaman.
Samantala, isasagawa naman sa Radio Veritas Chapel ang mga Banal na Misa para sa karangalan ni San Kamilo ngayong Hulyo 14, 2024, sa ganap na alas-sais ng umaga na pangungunahan ni Lung Center of the Philippines Chaplain, Fr. Almar Roman, MI; sa alas-12 ng tanghali sa pangunguna ni St. Camillus Medical Center Chaplain, Fr. Eliseo Navarro, MI; at sa alas-sais ng gabi naman si St. Camillus Center for Humanization in Health executive director, Fr. Placido de Jose, MI.