590 total views
Ang mga karapatan ng mga katutubo o indigenous peoples (IPs) ay dapat na pakaingatan. Sa ating bansa, maraming insidente ng paglapastangan ng karapatan ng IPs.
Ayon sa UNDP, tinatayang may 14 hanggang 17 million na IPs sa ating bayan. Sila ay nagmumula sa 110 ethno-linguistic groups. Karamihan sa kanila ay nakatira sa Northern Luzon, Mindanao, at may iba sa Visayas.
Ang Republic Act 8371 o ang tinatawag na “Indigenous Peoples Rights Act” (1997, IPRA) ay isa sa mga pinakamahalagang batas na nangangalaga sa mga IPs sa ating bansa. Kaya lamang, kahit na may polisiya upang sila ay mabigyan ng proteksyon, marami pa ring mga IPs ang nalalapastangan, at kadalasan, ito ay dahil sa isyung ancestral domain at lupa.
Sa maraming mga lugar sa ating bansa, ang mga IPs ay sinasadya ng mga mamumuhunan upang bilhin sa sobrang murang halaga, na kadalasan ay hindi ayon sa fair market value, ang kanilang mga lupa upang i-develop ito bilang mga resorts o iba pang mga establisyemento.
Marami ring pagkakataon, lalo sa mga lugar ng mga minahan, kung saan ang mga IPs ay hindi nakokonsulta sa mga pagbabagong gagawin sa kanilang pamayanan. Ang kanilang mga tinitirhan at mga lugar kung saan kumukuha sila ng kabuhayan ay sinisira ng mga minahan, tulad ng mga ilog kung saan sila nangingisda at mga kagubatan kung saan sila nangangahoy.
Ang isyu rin ng conflict ay nakaka-apekto sa buhay ng mga IPs. Maraming mga bata ang nata-traumatize dahil sa mga panaka-nakang putukan. Maraming mga bata ang natitigil sa pag-aaral, marami ang nadi-displace o nawawalan ng tahahan, marami ang walang mapuntahan.
Ang IPs ay kailangan ng atensyon, lalo pa’t salat sila sa proteksyon ng lipunan. Hindi natin napapansin dahil sila ay nasa margins o laylayan lamang. Pero kapanalig, respeto sa buhay ang hinihingi ng pagkakataong ito. Ang mga lupang kinukuha sa mga IPs ay hindi lamang material na bagay para sa kanila, ito ay buhay.
Kapanalig, ang ating Panlipunang Turo ng Simbahan ay nag-uudyok sa atin na isabuhay ang preferential option for the poor. Magagawa ito kahit sa maliliit na paraan, gaya ng paniniguro na ang ating mga negosyo ay hindi nakaksira ng buhay, bagkus nakakatulong pa sa mga katutubo. Makikita rin ito sa pangangalaga ng kalikasan, kung saan highly dependent ang ating mga kapatid na IPs.
Kapanalig, bilang mga kristyanong katoliko, obligasyon nating isiguro ang katarungan sa ating bayan, maging sa buong mundo. Ang Economic Justice for All ng US Bishops ay may munting aral na nawa’y umantig sa ating puso: The obligation to provide justice for all means that the poor have the single most urgent economic claim on the conscience of the nation.