17,145 total views
Hinimok ng Archdiocese of Cebu Commission on Family and Life ang mga mag-asawa na magsilbing huwaran sa lipunan lalo na sa kabataan upang maisakatuparan ang habambuhay na pagsasama.
Sa ginanap na ikawalong Archdiocesan Couples’ Day kasabay ng kapistahan nina Saints Louis at Zelie Martin ang magulang ni St. Therese of the Child Jesus, binigyang diin ni Cebu Vicar General Msgr. Rogelio Fuentes na ang pagsasama at pagsasakripisyo ng mga mag-asawa ay magdudulot ng kabanalan.
“Nalilimutan ng mag-asawa na ang kanilang pagsasama ay magdadala sa kanila sa kabanalan… Ang kanilang katapatan ay magdudulot ng kaligayahan,” pahayag ni Msgr. Fuentes.
Ipinaliwanag ng pari na kasabay ng pagtatag ng Diyos sa sakramento ng pag-iisang dibdib ay binigyang diin ang pagsalungat ng isinusulong na Divorce Bill gayundin sa mga mambabatas na sumusuporta nito.
Kasabay ng pagdiriwang ay muling sinariwa ng mga delegadong mag-asawa ang kanilang pangako ng kasal at ang katapatan sa sakramento ng pag-iisang dibdib.
Inilunsad din ng grupo ang signature campaign laban sa Divorce Bill at ang talakayang nakatuon sa Cebu Primer on Proclaiming the Indissolubility and Inviolability of Marriage and on Voicing Opposition to the Bill.
Patuloy ang paninindigan ng simbahan laban sa isinusulong na diborsyo dahil ito ay pagsira lamang sa pamilya na itinuturing na munting pamayanan at simbahan ng lipunan.
Unang sinabi ni Fr. Jerome Secillano ang executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Public Affairs na hindi na kailangang ipasa ang diborsyo kundi muling suriin ang mga probisyong isinasaad ng kasalukuyang Family Code lalo na sa usapin ng pagsasama ng mga mag-asawa.
Isinagawa ng CFL-Cebu ang pagdiriwang ng Couple’s Day sa Archdiocesan Shrine of Our Lady of Guadalupe sa Cebu City kung saan kasama ni Msgr. Fuentes sa pagdiriwang si CFL Spiritual Director Eligio Suico at mga bisitang pari.(norman)