209 total views
Ang mga overseas Filipino workers ay malaki ang kontribusyon sa ating ekonomiya. Ang kanilang remittances ay tumutulong sa paglutang at paglago ng ating ekenomiya. Pero kapanalig, nagagamit ba natin ng wasto ang kanilang mga padala?
Ayon sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas noong 2014, ang mga padala ng mga OFWs na nagdaan sa ating banking system ay umabot ng US$24.3 billion. Ito ay katumbas na ng 8.5% ng ating gross domestic product o GDP.
Noong unang quarter ng 2016, ang mga remittances ng mga OFWs ay umabot ng $7.2 billion. Mas mataas pa ito ng 4.3 percent kaysa sa unang quarter ng 2015.
Ang mataas na lebel na padala ng ating mga kababayan ay isang oportunidad upang mas maging inklusibo ang ating pagsulong. Kadalasan, tumataas ang padala kapag malapit na magpasukan dahil maraming mga kaanak ang nagpapadala ng pangmatrikula ng mga bata. Tumataas din ito kapag parating ng pasko, syempre para pam-pa aginaldo. Kahit pa may mga malakihang gastos gaya nito, maraming mga pamilya ng OFWs ang nag-iimpok na rin sa bangko. Batay sa datos ng BSP, noong 2014, mga 41% ng mga overseas Filipinos ay may mga savings mula sa kanilang remittances.
Maliban sa savings o pag-iimpok, maaring matulungan ang mga OFWs na mas lumago pa ang kanilang mga natabi sa pamamagitan ng mga financial products kung saan makaka-pag invest sila upang mas mabilis lumago ang mga ito. Two-fold ang immediate na epekto nito. Maliban sa pagbibigay investment sa OFWs, mas malaki rin ang macon-contribute nito sa ekonomiya dahil ang pamumuhunan ay maaring mag-generate ng trabaho.
Kapanalig, ang inclusive growth ay mahalaga. Sinisiguro nito na walang maiiwan, na lahat tayo ay kasama sa paglago ng ekonomiya. Ayon sa Philippine Development Plan 2016, tumataas ang ating populasyon ng 2% kada taon, pero mabagal ang pagtaas ng ating per capita income. Kapag ang ating mga polisiyang pampinansyal ay inklusibo, mas marami sa atin ang magkakaroon ng pagkakataon na maka-angat sa buhay. Mas maiaangat natin ang buhay ng mga kababayang sadlak sa karilataan. Ang maayos na pamamalakaya ng mga oportunidad, gaya ng lumalaking remittances sa bansa, ay inklusibo. Ehemplo rin ito ng tinatawag na mainam na “stewardship of God’s creation” na isa sa mga prinsipyo ng Panlipunang Turo ng Simbahan.
Isang gabay mula sa Gaudium et Spes na sana’y ating dinggin: God destined the earth and all it contains for all people and nations so that all created things would be shared fairly by all humankind under the guidance of justice tempered by charity.