16,176 total views
Tiniyak ng Caritas Manila na hindi nagtatapos ang pagtulong sa mga scholars ng simbahan sa kanilang pag-graduate sa kolehiyo.
Ayon kay Rye Zotomayor, Head of Financial Steward Division ng Caritas Manila, bahagi din ng programa ang pag-agapay sa mga nagsipagtapos sa ilalim ng Youth Servant Leadership and Education Program o YSLEP upang magkaroon ng trabaho.
Ito ay sa pamamagitan na rin ng tulong mula sa Caritas Manila Alumni Association o CAMASA-ang samahan ng mga nagsipagtapos sa ilalim ng programa ng Caritas Manila.
“Pagkagraduate ng mga bata, hindi po tayo natatapos sa pagtulong tayo po ay nagkakaroon ng Caritas Manila Alumni Association, kung saan ito po ang post phase ng ating program, sila naman po ang gumagabay sa mga bata para makahanap ng tamang trabaho sila po ang gumagabay sa mga bata para makapag apply sa mga kumpanya,” ayon sa pahayag ni Zotomayor sa panayam ng Radyo Veritas.
Binigyan diin ni Zotomayor, patuloy na sinusubaybayan ng Caritas YSLEP ang mga scholar hanggang sa makatagpo ng trabaho, at sa hangaring makaahon sa kahirapan.
“Kasi ito pong post-phase o ang ating CAMASA na tinatawag natin yung alumni association ng ating scholars, nagko-conduct din po ito ng mga job fairs, para yung mga graduate natin ay hindi mahirapan sa paghahanap ng trabaho at hindi diyan lamang po nagtatapos dahil minomonitor din natin kung sapat na ba ang kinikita ng mga scholars para makita natin na tuloy-tuloy na ginagabayan natin sila na makaahon sa kahirapan,” ayon pa kay Zotomayor.
Lunes ng isinagawa ang Caritas Manila YSLEP Telethon 2024 sa Radyo Veritas, kung saan nakakuha ng kabuuang higit sa 12 milyong pisong donasyon para scholar ng simbahan.
Hangad ng YSLEP ang taunang pagpapaaral sa may limang libong college scholars, kung saan higit sa isang libong mag-aaral ang nagtatapos kada taon na ang ilan ay nakakakuha pa ng mataas na karangalan.
–
Co-authored by Lady Nicole Cristobal