15,350 total views
Umapela ng tulong ang Most Holy Redeemer Parish, Masambong, Quezon City para sa mga biktimang apektado ng pananalasa ng Bagyong Carina at hanging Habagat. Ayon kay Parish Priest Administrator, Fr. Edwin Peter Dionisio, OFM, umabot na sa halos five feet o limang talampakan ang lalim ng baha sa loob ng simbahan kung saan ilang mga kagamitan ang napinsala at nalubog sa tubig.
Bukod dito, nalubog din sa pitong talampakang lalim ng baha ang ilang mga tahanan dahil sa pag-apaw ng San Juan River.
“Halos ang buong Masambong ay lubog ng tubig. Pati ‘yung Barangay San Antonio, ‘yung bahagi rin ng San Pedro Bautista, Barangay Talayan, at yung dinadaanan ng San Juan River, lahat ay apektado,” ayon kay Fr. Dionisio sa panayam ng Radio Veritas.
Pagbabahagi ni Fr. Dionisio, alas-7:30 ng umaga nang magsimulang pumasok sa loob ng simbahan ang baha, kung saan ilan sa mga isinalba ng pari ay ang Santisimo Sakramento at mga dokumento ng parokya.
Gayunman, marami pa ring gamit ang hindi naisalba at isang retablo rin ang napinsala dahil sa epekto ng pagbaha.
Nananawagan naman ng tulong at panalangin si Fr. Dionisio para sa mga pamilya at indibidwal na direktang naapektuhan ng kalamidad
“Patuloy pa rin po tayong magdasal na sana ay humupa na itong masungit na panahon. Gayundin ay nais ko pong manawagan na kung maaari, ‘yun pong mga hindi naapektuhan ay magpadala ng tulong doon sa mga taong nangangailangan,” apela ni Fr. Edwin.
Ipinag-utos na ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco sa mga parokyang saklaw mg Diyosesis ng Cubao na buksan ang mga simbahan upang magsilbing pansamantalang matutuluyan ng mga lubhang apektado ng kalamidad. Batay sa huling ulat ng Quezon City Government, umabot na sa halos 8,600 pamilya o 26-libong indibidwal ang nagsilikas sa higit 150 evacuation centers sa lungsod. Isinailalim na rin sa state of calamity ang buong Quezon City para magamit ang quick response fund upang matugunan ang pangangailangan ng mga apektadong residente.
Sa huling ulat naman ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Adminsitration (PAGASA), itinaas na sa Super Typhoon category ang Bagyong Carina.