11,635 total views
Mahalin at tulungang maghilom ang kalikasan mula sa pagkasirang gawa ng tao.
Ito ang panawagan ni San Fernando La Union Bishop Daniel Presto sa mamamayan kasunod ng matinding pagbaha dulot ng bagyong Carina.
Ayon sa Obispo, magsilbing aral nawa sa mamamayan ang matinding pinsala ng bagyo upang paigtingin ang pangangalaga sa kalikasan.
“Sa nararanasan nating pagbaha dala ng malakas na ulan dahil sa bagyong si Carina at ng habagat, muli ay hilingin natin ang tulong ng Poong Maykapal na mailayo tayo sa ilan pang sakuna. Ito din ay pagkakataon na ating pagnilayan ang ilan sa mga gawain natin na nakakapag-contribute sa pagbaha tulad ng irresponsableng pagtatapon natin ng mga basura sa estero na nakakapadulot ng pagbara s pagdaloy ng tubig.Atin ding makikita ang dami ng mga basura sa dalampasigan na mula s iba’t ibang lugar. Sa ibang lugar naman ay ang pagguho ng lupa sa kabundukan na sanhi na din ng pagpuputol ng mga puno. Sikapin nawa nating pangalagaan ang ating kalikasan,” mensaheng ipinadala Bishop Presto sa Radio Veritas.
Umaapela ang Obispo ng pagkakaisa ng mga mamamayan na tulungan ang mga apektado ng bagyong Carina.
Ipinagdarasal ni Bishop Presto na mamamayani ang pagkakawanggawa sa puso ng bawat isa upang sama-samang makabangon mula sa mga pinsalang idinulot ng ng bagyo.
“Sa panahong ito ay maipakita din natin ang pagtutulungan lalo’t higit sa mga nasalanta ng matinding pag-ulan at pagbaha.” panalangin ng Obispo.