18,797 total views
Nanawagan ng sama-samang pananalangin ng Oratio Imperata para sa Kapayapaan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).
Sa naganap na 128th CBCP Plenary Assembly noong ika-6 hanggang ika-8 ng Hulyo, 2024 ay inaprubahan ng kalipunan ng mga Obispo ng bansa ang pananalangin ng Oratio Imperata for Peace mula ngayong ika-25 ng Hulyo, 2024 hanggang sa unang araw ng Enero 2025 kasabay ng paggunita ng World Day for Prayer for Peace.
Bahagi ng panalangin ang mapagpakumbabang paglapit sa Panginoon ng bawat mananampalataya upang humingi ng paggabay sa gitna ng tumitinding tensyon hindi lamang sa usapin ng pulitika kundi maging sa seguridad sa iba’t ibang panig ng mundo.
Partikular din ipinapanalangin sa nasabing Oratio Imperata para sa Kapayapaan ang pagwawaksi ng anumang karahasan at digmaan na maaring magdulot ng labis na paghihirap at pagdurusa ng mga mahihina.
Naniniwala ang CBCP na ang sama-samang pananalangin para sa iisang intensyon ay pambihirang paraan upang ganap na maipaabot ang mga hinaing, pasasalamat, at pagsusumamo sa Panginoon.
Sa Pilipinas, patuloy ding inaanyayahan ng Simbahan ang bawat mananampalataya na ipanalangin ang tuwinang pananaig ng katarungan, katotohanan at kapayapaan sa soberenya ng Pilipinas na inaangking teritoryo ng China sa West Philippine Sea.