16,405 total views
Patuloy ang pamamahagi ng tulong ng social arm ng Archdiocese of Manila sa mga biktima ng pananalasa ng super typhoon Carina at hanging Habagat.
Batay sa situational report, umabot na sa halos tatlong milyong piso ang naipamahaging tulong ng Caritas Manila sa higit 2,500 pamilyang lubhang apektado ng kalamidad sa National Capital Region.Sa kasagsagan ng matinding baha sa Metro Manila nitong July 24, agad na nagpahatid ng tulong ang Caritas Manila sa 1,096 residente ng Baseco, Tondo at San Nicolas sa Maynila. Nito namang July 25 ay nasa 1,412 pamilya ang natulungan ng social arm ng arkidiyosesis sa iba pang apektadong parokya sa Maynila, Mandaluyong, Pasay, at San Juan. Nagpaabot na rin ng paunang tulong ang Caritas Manila para sa 1,000 pamilya sa mga karatig na Diyosesis ng Antipolo, Cubao, Imus, Kalookan, Malolos, Novaliches, Pasig, at Tarlac. Tinatayang nasa 12,900 apektadong pamilya ang nilalayong matulungan ng institusyon upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan.
Una nang umapela si Caritas Manila executive director at Radio Veritas president, Fr. Anton CT Pascual sa mananampalataya na makiisa sa hakbang ng institusyon sa pagtulong para matugunan ang pangangailangan ng mga apektado ng kalamidad kabilang na rito ang pagkain, damit, hygiene kits at iba pa. Sa mga nais namang magpaabot ng tulong at donasyon, magtungo lamang sa tanggapan ng Caritas Manila sa Jesus St. Pandacan, Manila o kaya nama’y makipag-ugnayan sa kanilang facebook page para sa karagdagang detalye.
Batay sa huling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa higit 1.3-milyong indibidwal o halos 300-libong pamilya ang apektado ng pinagsamang epekto ng Habagat at ng Bagyong Butchoy at Carina.