204 total views
Itinuturing na hamon at oportunidad ng Philippine National Police – Chaplain Service at Military Ordinariate of the Philippines ang pagpayabong sa ispiritwal na aspekto ng buhay ng mga kagawad ng PNP upang mas maging epektibo at makatao ang kanilang pagganap sa sinumpaang tungkulin.
Ayon kay PNP Chaplain Service Deputy Director Police Senior Superintendent Rev. Father Lucio Rosaroso Jr.,ang paghingi ng tulong ni mismong PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa sa pagpapatatag ng spirituality ng PNP personnel ay isang magandang pagkakataon para ibahagi sa mga alagad ng batas ang mga turo ng Panginoon kasabay ng pagganap sa kanilang mga misyon.
“Isang hamon sa amin, actually may programa tayo pero ngayon paigtingin talaga itong spirituality, it’s an opportunity really na yung office namin ay talagang napakarelevant sa misyon to enhance the spirituality. So yun ang hamon ni Chief PNP sa amin ‘Father tutukan niyo yung spirituality talaga’…” pahayag ni Police Rosaroso sa panayam ng Veritas advocate.
Umaapela rin si Father Rosaroso ng panalangin sa publiko para sa ganap na pagbabago at transformation ng mga kawani ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas.
Tiniyak ng pari na makatutulong ang taimtim na pananalangin ng sambayanan upang ganap na makapagsisi at magbago ang mga tiwaling opisyal at kawani ng PNP.
“We invite all to pray with us, to do penance for the good of our country, for discernment of what we should do and of course especially for the transformation of our men and women in uniform…” apela ni Fr. Rosaroso.
Matapos pansamantalang ipagpaliban ng PNP ang kampanya sa war on drugs na Oplan Tokhang ay inilunsad ng PNP-Chaplain Service at Military Ordinariate of the Philippines ang tatlong araw na ‘Day of Prayer and Penance’ bilang suporta sa layunin ng pamahalaan laban sa illegal na droga at pagpapanibago sa pananaw ng nasa 180-libong mga kawani ng PNP sa kanilang misyon na lipunin ang mga sangkot sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot.
Sa pinakahuling tala ng PNP, bago suspendihin ang Oplan Tokhang ngayong Enero, umaabot na sa 2,102 ang namatay sa gitna ng operasyon ng mga pulis habang aabot naman sa 3,993 ang bilang ng death under investigation.
Naunang nagpahayag ng pangamba si CBCP Episcopal Commission on Basic Ecclesial Communities exe.sec.Father Amado Picardal na maging biktima naman ng extrajudicial killings ang mga scalawag cops.
read: http://www.veritas846.ph/pari-natatakot-na-gawin-ang-ejk-sa-scalawag-cops/