17,547 total views
Hinikayat ng social at humanitarian arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang lahat na magkaisa upang tulungan ang mga biktima ng pananalasa ng bagyong Carina at Habagat.
Ayon kay Caritas Philippines executive director, Fr. Tito Caluag, napakalawak ng naging pinsala ng nagdaang kalamidad lalo na sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan.
Sinabi ni Caluag na malaki ang pangangailangan ng mga nasalanta upang muling makabangon sa hinaharap na pagsubok.
“Patuloy po tayong magtulungan at patuloy tayong manalangin para sa isa’t isa lalong lalo na po sa mga nasalanta nitong baha noong nakaraang tag-ulan na ito ng Bagyong Carina,” panawagan ni Fr. Caluag.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ng humanitarian team ng institusyon upang matukoy ang kalagayan ng mga lubhang apektadong diyosesis at agad na mapadalhan ng tulong.
Nakikipagtulungan na rin ang Caritas Philippines sa mga katuwang na organisasyon para sa karagdagang suporta sa pagtugon sa pangangailangan ng mga nasalanta.
Unang nagpaabot ng pakikiramay ang social arm ng CBCP sa mga biktima ng nagdaang kalamidad lalo na ang mga nawalan ng mahal sa buhay.
“Together, we stand in solidarity with affected families, striving to bring them comfort and hope in the wake of this disaster. Our thoughts and prayers are especially with those who lost loved ones. May they find peace and strength in this time of immense grief,” ayon sa Caritas Philippines.
Sa mga nais magbahagi ng tulong at donasyon, bisitahin ang facebook page ng Caritas Philippines para sa karagdang detalye.
Batay sa huling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa higit 3.3-milyong indibidwal o higit 900-libong pamilya ang apektado ng ang apektado ng pinagsamang epekto ng Habagat at ng bagyong Butchoy at Carina.
Patuloy namang tinutukoy ng NDRRMC ang kabuuang bilang ng mga nasawi mula sa kalamidad, kung saan ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP) ay umabot na sa 34-katao.