17,514 total views
Hinimok ni Cebu Archbishop Jose Palma ang mamamayan na manindigan para sa katatagan ng bawat pamilya at labanan ang anumang hakbang para isabatas ang diborsyo.
Ito ang binigyang diin ng arsobispo sa ginanap na ‘Yes to Marriage and Family: No to Divorce’ prayer rally campaign ng arkidiyosesis nitong July 27.
Ayon kay Archbishop Palma bagamat hindi lingid ng lipunan ang mga hamong kinakaharap ng buhay pagpapamilya nararapat din isaalang-alang ng mag-asawa ang mga magandang karanasan at bunga ng kanilang pakikipagtipan sa Diyos.
“We cannot deny nga daghang problema, but we cannot close our eyes to the many simple joys that couples experience. Dili tanang panahon naay away ug problema [hindi sa lahat ng panahon may away at problema]. We also look at the joy and beauty of family, ug angay lamang pasalamatan nato ang Diyos [kaya’t nararapat lamang na pasalamatan natin ang Diyos],” bahagi ng pagninilay ni Archbishop Palma.
Binigyang diin ng arsobispo na ang paninindigan ng simbahan sa usapin ay hindi sa pagiging banal kundi ito ang nararapat na gawin bilang kristiyano ang itaguyod ang pakikipagtipan ng mag-asawa sa Panginoon.
Kaugnay nito, iginiit naman ni Retired Chief Justice Hilario Davide Jr. na ang pagsasabatas ng diborsyo ay pagsira sa pamilya at sa bansa batay sa isinasaad sa Section 1 Article 15 ng Saligang Batas na nagsasabing ang pamilya ang pundasyon ng isang bansa.
Kaya’t hamon ni Davide sa kapwa mananampalataya na patuloy itaguyod ang kahalagahan ng pamilya at palakasin ang pagsasama ng mga mag-asawa.
“Our Prayer Rally this afternoon is a great crusade against all and any move to destroy, demonize, and make mockery of the inviolable institution of marriage, sanctity of family, and our nation founded on family. Let us continue this crusade until absolute divorce is buried forever,” ani Davide.
Nagtipon ang mga kinatawan ng iba’t ibang parokya ng arkidiyosesis kabilang na ang mga grupong nagsusulong sa kasagraduhan ng sakramenton ng kasal na naglakad mula Fuente Osmena Circle patungong Basilica Minore del Sto. Nino de Cebu.
Kasama sa mahigit 5,000 sumama sa prayer rally si Cebu Auxiliary Bishop Ruben Labajo kasama ang mga pari, religious men and women at mga seminarista ng arkidiyosesis.
Iniulat naman ni ‘Yes to Marriage, Yes to Family, No to Divorce” campaign core committee member Fr. Carmelo Diola na umabot na sa 157, 840 mga lagda ang kanilang nakalap sa buong arkidiyosesis laban sa pagsasabatas ng Absolute Divorce Act na kanyang isusumite sa Senado.
Una nang tiniyak ng simbahan ang paninindigan laban sa diborsyo makaraang katigan ito ng 131 mambabatas ng mababang kapulungan ng kongreso noong May 22.