62,521 total views
Ang pagsilang ng anak ay isang masayang milestone sa isang pamilya. Kaya lamang, minsan nababahiran ito ng kalungkutan, lalo sa mga bansang gaya ng Pilipinas kung saan marami ang maralita at hirap ang access sa maternal health services. Tinatayang mga 14% ng mga buntis sa bansa ang hindi nakakapag-pa check up. At dahil dito, maraming mga ina ang nakakaranas ng mga komplikasyon sa kanilang pagbubuntis.
Marami ng mga hakbang ang nagawa upang mapabuti ang kalagayan ng maternal care sa bansa. Kaya lamang, nananatili pa rin ang mga hamon na kailangang tugunan upang masiguro ang kalusugan at kaligtasan ng bawat ina at kanyang anak.
Unang una, marami sa atin ay kulang ang kaalaman ukol sa maternal health bago, habang, at pagkatapos ng pagbubuntis. Nakatutok kadalasan ang mga ina sa araw ng panganganak at napapabayaan ang nutrisyon na kailangan niya bago, habang, at pagkatapos magdalang-tao. Kung sapat ang kanyang impormasyon ukol dito, makakapaghanda siya at makakatulong upang maiwasan ang mga komplikasyon sa pagbubuntis, panganganak, at postpartum period. Kailangan natin maitaas ang kamalayan ng mga ina ukol dito, kasama na ang kanyang buong pamilya.
Isa rin sa mga pangunahing suliranin ay ang kakulangan ng mga skilled health professionals sa mga rural areas. Maraming mga ina ang hindi nakakakuha ng sapat na pangangalaga, lalo na sa mga malalayong komunidad. Ang kakulangan sa kagamitan at pasilidad ay isa ring malaking problema. Maraming ospital at klinika ang kulang sa mga kinakailangang kagamitan upang magbigay ng de-kalidad na serbisyo sa mga buntis na ina. Dahil kulang sa access sa propesyonal at pasilidad, kulang sa konsultasyon ang mga ina, pati na mga vitamins at serbisyo na kailangan nila para sa maayos na pagbubuntis.
Sa kabila ng mga hamong ito, maraming inisyatibo na ang isinagawa upang mapabuti ang maternal care sa bansa. Ang Department of Health ay may mga programa tulad ng Maternal, Newborn, Child Health and Nutrition Strategy na naglalayong mapabuti ang kalusugan ng mga ina at bata. Marami ring mga proyekto ang mga NGOs at private sector na nagpapaunlad ng maternal care. Ang kanilang mga proyekto at kampanya ay nakakatulong upang maabot ang mga komunidad na hindi naaabot ng gobyerno at sumusuporta sa mga ina sa kanilang panganganak at pag-aalaga ng kanilang mga sanggol.
Pero kulang pa rin kapanalig. Ang pagpapabuti ng maternal care sa Pilipinas ay isang mahalagang hakbang tungo sa pagkakaroon ng malusog na lipunan. Kailangan nating tiyakin na ang bawat ina at sanggol ay makakatanggap ng kinakailangang pangangalaga. Sa kanila umuusbong ang pamilya. Mapukaw nawa tayo ni Pope Francis sa Gaudate et Exultate: ang nakataya dito ay buhay, na laging sagrado. Kailangan natin mahalin ang bawat isa. The dignity of a human life demands love for each person, regardless of his or her stage of development. Kapanalig, simulan natin sa umpisa pa lamang, sa sinapupunan ng ina.
Sumainyo ang Katotohanan.