51,345 total views
Mga Kapanalig, kinabukasan matapos manalasa ang matinding ulan na dala ng habagat ng pinalakas ng Bagyong Carina, isinailalim sa state of calamity ang Metro Manila.
Lumubog sa malalim na baha ang maraming lugar. Libu-libong pamilya ang sapilitang inilikas sa mga paaralang nagsilbing evacuation centers. (Kaya nagpasya ang DepEd na suspindihin muna ang pagbubukas dapat ng mga klase ngayong araw sa mga apektadong lugar.) Maraming bahay sa gilid ng mga ilog ang tinangay ng rumaragasang baha. Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, pito ang naiulat na namatay sa Metro Manila matapos malunod o makuryente; kasama sila sa mahigit 20 kataong kumpirmadong namatay sa buong Luzon. Marami rin ang nasaktan at nasugatan habang inililigtas ang kanilang sarili, pamilya, at ari-arian mula sa tumataas na tubig-baha.
Sinabi ng mga mayor na kinapanayam ng media na naghanda naman sila sa pagpasok ng panahon ng tag-ulan. Marami na silang natutunan mula sa mga naging karanasan noong Bagyong Ondoy noong 2009 hanggang Bagyong Ulysses noong 2020. Nasusukat na nila ang pagbuhos ng ulan sa ibang lugar na dadaloy naman sa mga mabababang lugar. Alam na nila ang mga komunidad na unang babahain at ang mga pamilyang dapat ilikas sa mas ligtas na lugar.
Pero mukhang kahit anong paghahanda ang gawin natin, sadyang bahagi na ng ating buhay dito sa Metro Manila ang pagbaha. Ito na nga ang “new normal” sa panahon ng climate change. Alam ba ninyong ang volume ng ulang ibinuhos ng habagat noong Miyerkules ay katumbas na ng isang buwang ulan para sa buwan ng Hulyo? Kung noong Bagyong Ondoy, nasa 455 millimeters ang dami ng ulang bumuhos sa loob ng 24 oras dito sa Quezon City, nitong nakaraang pananalasa ng habagat, tumanggap ang lungsod ng nasa 461 millimeters sa loob lang din ng 24 oras. Dahil sa nagbabagong panahon, hindi na katakataka kung maladelubyong ulan na ang maranasan pa natin.
Hindi lamang climate change ang dapat isaalang-alang. Malaking sanhi rin ng malawakan at mapaminsalang pagbaha sa Metro Manila ang hindi maayos na urban planning. Kitang-kita natin iyan sa ating mga daluyan ng tubig—mula sa mga kanal sa mga bangketa hanggang sa mga esterong dinadaluyan ng tubig-ulan at tubig-baha papunta sa malalaking ilog katulad ng Marikina River at Pasig River. Makikitid na nga ang mga ito, barado pa sila ng basura. Ang mga ilog naman, mababaw na dahil sa lupang inaagos mula sa mga kalbo o pinatag nang bundok. May mga bahagi pa nga ng mga ilog, lawa, at dagat na tinatambakan para pagtayuan ng mga gusali o subdvision. Hindi rin umuubra ang mga flood control projects na ipinagmamalaki ng iba’t ibang administrasyon—kahit ng administrasyon ni PBBM na iniulat pa niya sa kanyang SONA. May malaki talaga tayong problema sa imprastraktura.
“Disproportionate and unruly”—o sa Filipino, hindi pantay at hindi maayos—ang mga salitang ginamit ni Pope Francis sa Catholic social teaching na Laudato Si’ para ilarawan ang paglaki ng maraming lungsod. Ganyan tayo sa Metro Manila. Banta sa kalusugan at kaligtasan ng mga tao ang ganitong mga lungsod, at kitang-kita ito tuwing panahon ng tag-ulan at baha dito sa atin.
Pero, mga Kapanalig, hindi tayo nawawalan ng pag-asang magiging makatao pa rin ang ating mga lungsod. Narito ang hanapbuhay ng marami, ang mga negosyong nag-aambag sa ating ekonomiya, at ang mga oportunidad at serbisyo. Seryosohin lamang ng gobyerno—kasama ang pribadong sektor at tayo mismong mga mamamayan—ang pagsasaayos ng mga siyudad. Simulan natin sa mga daluyan ng tubig at mga nakapaligid na kabundukan. Sa ngayon, abutan natin ng tulong ang mga nasalanta at, sabi nga sa Deutoronomio 15:11, ibukas natin ang ating mga palad sa kanila.
Sumainyo ang katotohanan.