23,820 total views
Hindi kailanman magiging katanggap-tanggap ang pagbabalewala sa mga matatanda lalo’t higit sa kanilang mga magulang o mga lola at lola.
Ito ang bahagi ng pagninilay ni Tandag Bishop Raul Dael kaugnay sa paggunita ng World Day for Grandparents and the Elderly noong July 28.
Ayon sa Obispo, hindi dapat na ituring na pabigat o wala ng silbi sa pamilya at lipunan ang mga nakatatanda sapagkat sa kanila nagmula ang anumang tinatamasang buhay ng bawat isa sa kasalukuyan.
Paliwanag ni Bishop Dael, hindi dapat na balewalain ang mga ginawang pagsasakripisyo at pagsusumikap ng mga magulang at mga nakatatanda sa halip ay dapat na tuwinang pasalamatan at bigyang halaga ang kanilang mga pinagsumikapan sa buhay.
“Sometimes we look at our grandparents even our parents and our elderly as useless people, as burdens, mga pabigat, mga problema so we have to cast them off, we cannot do that. We become who we are right now we are successful, we have reached this stage in life because of the generosity of our grandparents, of the elderly. The fruits we enjoy now are the results of their sacrifices and hardwork, that is why Pope Francis reminds us ‘a generation who does not honor the grandparents and the elderly is a generation without a future’.” Bahagi ng pagninilay ni Tandag Bishop Raul Dael.
Tema ng World Day of Grandparents and the Elderly 2024 ang “Do not cast me off in my old age” na layuning hikayatin ang bawat isa sa pagkilala at pagkalinga sa mga nakatatanda.
Taong 2021 ng pinasimulan ni Pope Francis ang taunang paggunita ng ang World Day of Grandparents and the Elderly na ginugunita tuwing ika-apat na Linggo ng Hulyo, ang araw na pinakamalapit sa July 26-ang Kapistahan nina San Joaquin at Santa Ana na lolo at lola ni Hesus at ang patron ng mga lolo, lola at nakatatanda.
Ayon kay Pope Francis, mahalagang mabuksan ang kamalayan ng bawat isa sa tungkuling ginagampanan ng mga nakatatanda sa pagpupunla ng pananampalatayang Kristiyano.
Paliwanag ng Santo Papa, malaki ang ambag ng mga nakatatanda sa buhay ng bawat isa kaya naaangkop lamang ang pagkilala at pagbibigay halaga sa kanila.
Pagbabahagi pa ni Pope Francis bahagi ng tungkulin ng kasalukuyang henerasyon ang imulat ang kamalayan ng mga kabataan sa pangangalaga sa mga nakatatanda bilangg mahalagang bahagi at sandigan ng buhay na nagtataglay ng mga karanasan at karunungan.