17,104 total views
Umaasa ang pamunuan ng Catholic Charismatic Renewal International Service o CHARIS na higit pang lalago ang charismatic communities sa bansa.
Ito ang pahayag ni CHARIS Philippines National Coordinator Fe Barino kasunod ng matagumpay na kauna-unahang National Charismatic Leaders Conference na ginanap sa IEC Convention Center sa Cebu City nitong July 27 at 28.
“I can see a new wave of charismatic renewal, a different perspective, a more dynamic sa tingin ko lalago talaga ang charismatic renewal sa bansa natin dahil sa pagtitipon na ito,” bahagi ng pahayag ni Barino sa Radio Veritas.
Ikinalugod ng opisyal ang pakikiisa ng mahigit 1,000 delegado mula sa 59 na mga diyosesis sa bansa sa pagtitipong inisyatibo ng CHARIS sapagkat nagkaroon ng pagkakataon na ipakilala sa charismatic leaders ang institusyon na itinatag ni Pope Francis noong 2019 sa ilalim ng Dicastery for the Family and Life na layong pagbuklurin ang charismatic communities sa buong mundo para sa iisang misyon na ipalaganap ang ‘Baptism of the Holy Spirit, pagkakaisa ng kristiyanong pamayanan at ang paglilingkod sa mahihirap ng lipunan.
Tinuran din ni Barino ang kagalakan ng mga delegado dahil sa pakikinig at mga natutuhang aral mula sa mga ekspertong nagbigay ng panayam na makatutulong sa pang-unawa sa gawain ng charismatic communities.
“I can feel the enthusiasm, the leaders are inspired especially from the talks from our speakers which some of them are international sa tingin ko it makes them more inspired to be able to lead their communities in the dioceses,” ani Barino.
Kabilang sa mga nagbigay ng panayam sa dalawang araw na pagtitipon sa temang ‘You will be my witnesses’ sina CHARIS Asia-Ocenia Coordinator Shayne Bennett, CHARIS International Coordinator Intercession Commission Cyril John, CHARIS Asia-Ocenia Team Member Raymond Daniel Cruz, Jr. at Moses Jarvis Catan, ang Director for Scripture and Evangelization ng Elim Communities.
Dagdag pa ni Barino na mahalagang tungkulin ang ginagampanan ng charismatic communities lalo’t kinakailangan ng bansa ang paggabay ng Espiritu Santo sa paglalakbay tungo sa landas ni Hesus.
“Sabi ng marami dito na the Holy Spirit is moving powerfully here in our nation and it is important because we will be praying in our nation, we will be praying the Filipino people lalo na dito sa Philippines marami tayong mga challenges so this is significant,” giit ni Barino.
Nakiisa rin sa pagdiriwang si CHARIS Philippines Spiritual Director Fr. Bartolome Pastor habang pinangunahan ni Cebu Archbishop Jose Palma ang closing mass katuwang ang mahigit 50 mga pari.
Pinasalamatan ni Barino ang lahat ng tumugon sa tawag ng Panginoon sa charismatic leaders conference gayundin sa mga naglingkod sa pagpupulong sa pangunguna ng Couples For Christ.