11,314 total views
Hinamon ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mga pari na gawing huwaran sa pagpapalaganap ng sinodalidad sa mga kinasasakupan ang kabanalan ng magkakapatid na taga-Betanya.
Sa Banal na Misa para sa pagbubukas ng National Meeting of Parish Priests for the Synod nitong Hulyo 29, 2024, pinagtuunan ni Cardinal Advincula sa pagninilay ang pagiging tapat na mga tagasunod nina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro, na itinuturing ding mabubuting kaibigan ng Panginoong Hesukristo.
Ayon kay Cardinal Advincula, ang pagiging magiliw katulad ni Sta. Marta ang halimbawa ng buong pusong pagtanggap sa pagpapala at presensya ng Panginoon na dapat ipalaganap sa mga parokya upang maipadama na ang simbahan ay handang makinig at magampanan ang tungkuling pagbuklurin ang pamayanan tungo sa pag-ibig at kabanalan ng Panginoon.
“If we keep saying, “We have been doing it this way,” we might be unconsciously pushing away the people who need our communion the most, people who often feel that they cannot fit in the Church, sinners, the poor, the marginalized,” ayon kay Cardinal Advincula.
Nagbabala naman ang kardinal laban sa mga gawaing isinasantabi ang boses at ambag ng mga mananampalataya bilang simbahan.
Paliwanag ng arsobispo na katulad ng katapangang taglay ni Sta. Maria, nais lamang ipahayag ng mga karaniwang katoliko, lalo na ang mga nasa laylayan na mapakinggan ang kanilang mga saloobin at pananaw na pinaniniwalaang mahalaga para sa tunay na sinodalidad sa mga parokya.
“Let us recognize and encourage their boldness as witnesses to our faith… Let us seek the boldness of Mary so that there can be greater participation in the Church,” saad ng kardinal.
Hinimok naman ni Cardinal Advincula ang mga pari na manindigan laban sa mga nagsasabing ang simbahan ay patay o namamatay na, sapagkat ang simbahang katolika ay nananatiling buhay dahil sa mga payak na mananampalatayang nagpapatunay na ang Diyos ay maawain at tapat sa kanyang mga tagasunod.
Panawagan ni Cardinal Advincula na tulad ni San Lazaro, ang bawat isa ay maging kasangkapan sa pagpapalaganap ng misyon ng simbahan na ipahayag ang pag-asa ng muling pagkabuhay.
“Hospitality to foster communion, boldness to encourage participation, and hope to promote mission: we beg the Lord to grant us these graces so that synodality may be realized in our parish communities,” dalangin ni Cardinal Advincula.
Tinatayang nasa 250 pari mula sa iba’t ibang diyosesis ang dumalo sa National Meeting of Parish Priests for the Synod upang pagnilayan ang pamamaraan upang muling pasiglahin ang pagkapari at buhay sa parokya.
Pinangangasiwaan ito ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Clergy at Episcopal Commission on Evangelization and Catechesis, at ng Philippine Conference on New Evangelization.
Ang apat na araw na pagtitipon ay kasunod ng ginanap na international meeting ng mga kura paroko na inorganisa ng Vatican sa Sacrofano, Italy noong April 29 hanggang May 1, 2024.