33,893 total views
Opisyal nang sinimulan ng Archdiocese of Tuguegarao noong unang araw ng Agosto, 2024 ang 50-days countdown para sa ikalimangpung taon selebrasyon o Golden Jubilee Year celebration ng arkidiyosesis.
Paanyaya ni Tuguegarao Archbishop Ricardo Baccay ang sama-samang pasasalamat at pagbabalik tanaw sa patuloy na paglago at pagkakaroon ng matatag na Simbahan at pananampalatayang Katoliko sa lugar.
Nanawagan din ang Obispo na alalahanin ang mahalagang ambag ng mga dating lingkod at opisyal ng Simbahan kabilang na ang mga layko at religious communities na nagsumikap na mapatatag ang pundasyon ng pananampalataya sa Arkidiyosesis ng Tuguegarao.
Partikular na inalala ni Archbishop Baccay ang mahalagang ambag ng mga dating punong pastol ng arkidiyosesis na sina Archbishop Teodulfo Domingo -na unang Arsobispo ng Tuguegarao hanggang 1986; Archbishop Diosdado Talamayan na naglingkod ng 25-taon mula 1986 hanggang 2011; at Archbishop Sergio Utleg na 8 taong naglikod bilang arsobispo mula 2011 hanggang sa magretiro noong 2019.
“Over the past 50 years the Archdiocese of Tuguegarao has been trying its best to serve, to teach and to care for the people of God. We remember also those who have been there before us especially the late Archbishop Teodulfo Domingo and of course Archbishop Diosdado Talamayan and Archbishop Sergio Utleg, the entire clergy, our religious communities, and our lay faithful, all of them who have been working very hard in shaping us to what and who we are today. I invite you then to celebrate with us together with Saint Peter our Patron and Our Lady of the Visitation of Piat, let us join together towards Jesus our Lord.” Bahagi ng mensahe ni Archbishop Baccay.
Tema ng Golden Jubilee Year Celebration ng Archdiocese of Tuguegarao ang “Paglalakbay nang Magkakasama sa Sinodalidad” na layuning sariwain, balikan ang nakaraan, pahalagahan ang kasalukuyan, at harapin ang kinabukasan ng isang Simbahang Sinodal nang mayroong matibay na pananampalataya at pagkakaisa.
Nakatakda ang pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng Arkidiyosesis sa ika-20 ng Setyembre, 2024 kung saan magkakaroon ng isang malaking pagtitipon bilang pasasalamat sa limampung taon ng biyaya at paggabay ng Panginoon.
Tampok sa 50-day countdown ang pag-alala sa mga biyayang natamo at mga pagsubok na napagtagumpayan ng Arkidiyosesis ng Tuguegarao sa loob ng nakalipas na limang dekada.
Kasama sa mga nakahanay na gawain ang mga seminar, retreats, at outreach programs na naglalayong higit pang mapalalim ang pananampalataya at misyon ng Simbahan sa Arkidiyosesis ng Tuguegarao.
Ayon sa pamunuan ng arkidiyosesis, ang pagdiriwang sa ikalimang dekada ng Arkidiyosesis ng Tuguegarao ay hindi lamang isang paggunita sa mga nagdaang taon kundi isang pagkakataon din upang higit pang mapalakas ang misyon ng Simbahan sa pamamagitan ng ganap na pagkakaroon ng Simbahang sinodal.