16,889 total views
Ito ang habilin ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa mananampalataya ng Our Lady of the Assumption Parish sa Malate Manila sa pagluklok kay Fr. Hans Magdurulang bilang ika – 12 Kura Paroko.
Batid ng cardinal ang mga kaakibat na hamon sa pagpapastol ng parokya kaya’t mahalaga ang panalangin at suporta ng nasasakupang kawan upang maging matagumpay sa misyon at gawaing pagpapastol.
“I-ambag ninyo ang mga kakayahan at panahon para sa pagtataguyod ng simbahan. Bilang inyong ama dito sa parokya, bahagi siya ng inyong pamilya at ng inyong buhay. Mahalin at ingatan ninyo siya sa pamamagitan ng inyong pakikiisa sa kanya, pagsuporta sa mga gawain at programa ng parokya, at pagtulong sa kanyang magampanan ang kanilang mga responsibilidad bilang inyong kura paroko,” bahagi ng mensahe ni Cardinal Advincula.
Binigyang diin ng arsobispo na sa pagbubuklod ng pamayanan ay mapagtagumpayan ang anumang hamong kakaharapin kung patuloy na dadaloy ang biyaya ng Diyos sa buong pamayanan kung nanatiling bukas ang puso sa pagtutulungan.
Pakiusap ni Cardinal Advincula na mahalin at pakaingatan ang itinalagang pastol gayundin ang patuloy na panalangin sa dating kura paroko na si Fr. Domingo Asuncion na nasa banig ng karamdaman.
Hiniling din ng arsobispo sa pamayanan ang pang-unawa lalo na sa pagkakataong mangibabaw ang kahinaan ng pari bilang tao.
“Unawain ninyo ang kanyang mga kahinaan. At paalalahanan nang may pagmamahal kung mayroon siyang pagkukulang,” ani Cardinal Advincula.
Ginanap ang pagluluklok kay Fr. Magdurulang nitong August 15 kasabay ng pagdiriwang sa 72nd Fiesta Mass ng parokya sa Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria.
Humiling ng panalangin si Fr. Magdurulang sa panibagong misyon kung saan makalipas ang 15 taon ng pagiging pari ito ang kauna-unahang pagkakataon na mamuno sa isang parokya.
Umaasa ito ng pagkakaisa at pagtutulungan sa pamayanan upang higit na lumago ang misyon at pananampalatya sa pamamagitan ng mga programang pastoral gayundin ang mga gawaing espiritwal.