79,875 total views
Ang papel ng babae sa larangan ng negosyo sa ating bansa ay patuloy na nagbabago at umuunlad. Marami ng mga babae ngayon ang nagtatagumpay at nagiging mahalagang bahagi ng ekonomiya ng bansa. Malaking progress ito kapanalig, dahil dati rati, ang mga babae ay kadalasang nakakulong sa tradisyonal na tungkulin tulad ng pagiging ina at pangangalaga ng pamilya. Dahil sa pagbabago at pangangailangan, mas lumawak ang papel ng kababaihan at pumasok na rin sa iba ibang larangan. Kasama na rito ang negosyo.
Sa kabila ng kanilang pag-unlad, marami pa ring hamon ang hinaharap ng kababaihan sa negosyo. Isa na rito ang gender bias o ang pagkiling laban sa mga kababaihan. Marami pa rin ang naniniwala na ang pamumuno at ang pagnenegosyo ay para sa mga kalalakihan. Dahil dito, nahihirapan ang ilang mga kababaihan na makakuha ng kapital o suporta para sa kanilang mga negosyo. Hirap din makakuha ng pondo o financing ang maraming mga kababaihang negosyante. Sa buong mundo, tinatayang nasa $1.7 trillion ang finance gap para sa mga babaeng negosyante.
Maraming organisasyon ang tumutulong upang mapalakas ang posisyon ng kababaihan sa larangan ng negosyo. Ang gobyerno, pati na rin ang mga pribadong sektor, ay nag-aalok ng mga programang pang-edukasyon at mga microfinancing upang suportahan ang mga kababaihang negosyante. Ang mga programa tulad ng Go Negosyo, isang inisyatibo na naglalayong palakasin ang mga maliliit na negosyo, ay nagbibigay ng mga pagsasanay at mentoring sa mga kababaihan upang tulungan silang magtagumpay.
Ang digital technology din ay naging malaking tulong para sa mga business women. Aktibo nilang ginagamit ang mga online platforms tulad ng social media upang maabot ang mas malawak na merkado. Ang e-commerce ay nagbigay sa kanila ng bagong daan upang makapagsimula ng kanilang sariling negosyo kahit nasa bahay lamang. Ito ay naging mas mahalaga lalo na sa panahon ng pandemya kung saan ang online business ay naging pangunahing plataporma ng kalakalan.
Kung mas bibigyan pa natin ng suporta ang mga kababaihan sa Pilipinas, patuloy silang magiging makapangyarihang puwersa sa mundo ng negosyo. Sa kabila ng mga hamon, patuloy silang mag-aangat ng kanilang sarili at ng kanilang mga komunidad. Malaki ang potensyal ng mga kababaihang negosyante na higit pang mapaunlad ang ekonomiya ng bansa at magbigay inspirasyon sa susunod na henerasyon.
Kapanalig, kapag nanatiling ang gender bias sa ating lipunan, lahat tayo talo. Sabi nga sa Catechism of the catholic Church: Access to employment and to professions must be open to all without unjust discrimination: men and women, healthy and disabled, natives and immigrants. For its part society should, according to circumstances, help citizens find work and employment.
Sumainyo ang Katotohanan.