9,486 total views
Hinimok ni Pro Prefect ng Dicastery for Evangelization Filipino Cardinal Luis Antonio Tagle ang mga mananamapalataya na paigtingin ang pakikiisa sa mayroong mga karamdaman.
Ito ang mensahe ng kinatawan ng Vatican sa pinangunahang misa sa San Roque De Manila Parish bilang paggunita sa dakilang kapistahan ni San Roque.
Ayon kay Cardinal Tagle, mahalagang malaman ng lipunan na ang sakit ay hindi lamang makikita sa pisikal, maari din ito maranasan ng bawat isa sa kanilang puso o isip.
Upang mabisang matulungan ang mga mayroong kagayang sakit, ipinaalala ni CArdinal Tagle ang pagpapakumbaba magpakumbaba ng mga mananamapalataya at samahan sila tungo sa paggaling upang tunay na maghilom ang mga pisikal, puso at pang isipang sakit na nararanasan.
“Ito ang ganda ng pag-ibig ni Hesus at pag-ibig ni San Roque. Hangga’t tayo po ay dala ng pag-ibig, hindi lamang tayo tutulong kundi tayo ay magiging kaisa ng ating tinutulungan. Sana madagdagan ang mga katulad ni Hesus at ang susunod kay Hesus tulad ni San Roque. Kapag napakaraming umiibig, ang mga may karamdaman, natutuwa ang pakiramdam, at ‘yung namamalaging sakit sa lipunan, mababawasan, baka mawala,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Tagle.
Nagpapasalamat naman si Father Benjo Fajota – Parish Priest San Roque De Manila Parish sa masaganang pagdiriwang ng dakilang kapistahan ni San Roque sa parokya.
Ito ay matapos pangunahan ni Pro Prefect ng Dicastery for Evangelization Filipino Cardinal Luis Antonio Tagle ang misang inialay para sa kapistahan ng Santo kasama si Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio.
Ipinarating din ng pari ang pasasalamat sa mga parokyano na nakiisa sa mga paghahanda at pagdiriwang ng kapistahan.
“Nagpapasalamat po tayo sa Diyos sa lahat ng biyaya na patuloy na pinagkakaloob po sa ating parokya, sa mga parokyano po, sa mga daily or weekly or regular mass-goers po natin, sa atin pong mga volunteers, sa iba’t-ibang mga ministries at organizations, ‘no? Nabiyayaan po tayo ng mga aktibong mga youth, servant leaders dito po sa ating parokya. At syempre po, naparangalan po tayo ng presensya ng ating kabunyian, dating Arsobispo Emeritus ng Manila, si Cardinal Luis Antonio G. Tagle na kararating lamang po nung isang gabi at napaunlakan po tayo. Nagdiwang po siya ng ating fiesta mass kasama po ang Most. Rev. Oscar Jaime Florencio ng Military Ordinary of the Philippines,” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Fajota.
Mensahe ng Pari na ipagpatuloy ang pagdedebosyon kay San Roque upang higit na magkaroon ng pamamatnubay sa pagtulong sa mga pinakanangangailangan sa lipunan.
Ayon pa ka Fr.Fajota, higit sa mga ito ay ang pagtulong sa may mga karamdaman katulad ng naging misyon ni San Roque na pagalingin ang mayroong may karamdaman.
“Yung punto niya (Cardinal Tagle) na ang ating pagmamalasakit ay pakikiisa sa karamdaman ng mismong ating mga kapatid na ihatid po natin ang mabuting balita sa kanila, ‘yung pagmamahal natin sa kanila ay makatutulong sa kanilang paghilom, pagpapagaling ng kanilang mga karamdaman. ‘Yun po ang ating hinahangad para sa ating mga parokyano,” bahagi pa ng panayam kay Fr.Fajota.
Si San Roque ay ang patron laban sa mga salot at pandemya na buong pusong ini-alay ang buhay sa paglilingkod sa kapwa at sa Diyos.