18,586 total views
Naniniwala ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na naaangkop lamang na makibahagi ang Simbahan sa mahahalagang usaping panlipunan na makakaapekto sa buhay ng bawat mamamayang Pilipino.
Ito ang bahagi ng pahayag ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo – chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace kaugnay sa nakatakdang paglulunsad ng panibagong kowalisyon na tinaguriang Alyansa ng Nagkakaisang Mamamayan (ANIM).
Ayon sa Obispo na siya ring pangulo ng Caritas Philippines na layunin ng ANIM na isulong ang pagpapatupad ng mga probisyon sa 1987 Constitution na nagbabawal sa pagkakaroon ng mga political dynasty sa bansa.
Iginiit ni Bishop Bagaforo na kabilang sa pangungunahan ng ANIM ang isang inisyatibo laban sa patuloy na pag-iral ng political dynasty sa bansa upang maiwasan ang nagaganap na korapsyon sa pamahalaan.
“The main panawagan ay Stop corruption!! We believe that if there is a Law on anti-dynasty, we can address even just 50% of corruptions. Anim will spearhead a people’s initiative to enact the law on contra dynasty.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Bagaforo sa Radyo Veritas.
Ipinaliwanag ng Obispo na ang usapin ng korapsyon o katiwalian sa pamahalaan ay isang moral issue na dapat na matugunan maging ng Simbahan bilang bahagi ng tungkuling isulong ang dignidad at moralidad ng bawat nilalang.
Pagbabahagi pa ni Bishop Bagaforo, ang korapsyon ay maituturing din na isang usapin ng kawalang katarungan at paglabag sa karapatang pantao dahil sa idinudulot na paghihirap sa mga mamamayan ng pagnanakaw ng ilang mga opisyal sa kaban ng bayan.
“The issue of corruption involves a moral issue, it is stealing. The commandment is you shall not steal. It is also an issue of justice. Corruptions violates the human rights of others. It causes others to lives of poverty. Christian duty natin na ipagtanggol ang buhay dignidad ng ating kapwa.”
Dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Ang ANIM ay isang non-partisan, broad-based coalition na binubuo ng anim na sectoral groups sa bansa na kinabibilangan ng religious sector, retired military and uniformed personnel, youth, women businessmen and professionals, at civil society organizations na pawang naninindigan laban sa patuloy na pag-iral ng political dynasty sa bansa na isa rin sa maituturing na dahilan ng patuloy na katiwalian sa pamahalaan.
Nakatakda ang opisyal na paglulusad sa grupong Alyansa ng Nagkakaisang Mamamayan (ANIM) sa darating na Biyernes, ika-23 ng Agosto, 2024 ganap na alas-diyes ng umaga sa Kalayaan Room ng makasaysayang Club Filipino sa San Juan City.
Kabilang sa mga personalidad na inaasahang makikibahagi sa paglulunsad sa grupo ay sina Bishop Bagaforo, Baguio City Mayor Benjamin Magalong, former Commission on Elections (Comelec) commissioner Gus Lagman ng TNT Trio for Electoral Reform, at grupo ng mga retiradong opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).