74,964 total views
Ang sanitasyon ay isang mahalagang aspeto ng kalusugan ng tao na may direktang epekto sa kalidad ng buhay ng mamamayan at public health. Dito sa ating bayan, ang sanitasyon ay malaking hamon lalo pa’t marami sa ating mga komunidad ay may limitadong access na malinis na tubig at maayos na palikuran.
Alam mo ba kapanalig, tinatayang mga 17 milyong Pilipino ang walang access sa maayos na sanitation services? Dahil dito, marami sa kanila ay napipilitang gumamit ng mga open spaces para sa kanilang pangangailangan, isang gawain na tinatawag na “open defecation.” Ang kakulangan na ito ay nagreresulta sa pagkalat ng sakit at iba pang problemang pangkalusugan.
Ang hindi maayos na pamamahala sa basura at wastewater ay isa ring malubhang problema sa sanitasyon. Sa mga lungsod, ang kakulangan ng mga sistemang pang-kolekta ng basura at ang hindi sapat na sewerage systems ay nagdudulot ng pagdumi ng mga ilog, dagat, at iba pang anyong tubig. Ang mga kontaminadong tubig ay nagiging sanhi ng pagkalat ng mga waterborne diseases tulad ng cholera, diarrhea, at typhoid fever, na madalas na nakakaapekto sa mga bata at iba pang bulnerableng grupo.
Ang mga problema sa sanitasyon ay may malalim na epekto sa kalusugan ng publiko. Ang kawalan ng maayos na palikuran at malinis na tubig ay nagiging sanhi ng pagkalat ng mga sakit na maaari naman sanang iwasan, tulad ng diarrhea, na isa sa mga nangungunang sanhi ng kamatayan sa mga bata sa Pilipinas. Ang mga ganitong uri ng sakit ay hindi lamang nakakaapekto sa pisikal na kalusugan ng mga tao, kundi pati na rin sa kanilang ekonomiya, dahil ang mga sakit na ito ay nagdudulot ng pagkawala ng trabaho, pagbaba ng produktibidad, at karagdagang gastos para sa mga pamilya.
Bukod dito, ang kakulangan sa sanitasyon ay may epekto rin sa dignidad at seguridad ng mga tao, lalo na ng kababaihan at mga bata. Ang kawalan ng ligtas at pribadong palikuran ay naglalagay sa kanila sa panganib ng karahasan at pang-aabuso.
Ang sanitasyon sa Pilipinas ay kritikal na isyu na bunga ng iba ibang salik – gaya ng kahirapan, kawalan ng sanitation infrastructure, kawalan ng access sa tubig, at nakasanayang ugali ng mga tao. Marami pang kailangang gawin upang matiyak na ang bawat Pilipino ay may access sa malinis na tubig at maayos na pasilidad ng palikuran. Ang pagkakaroon ng sapat na sanitasyon ay hindi lamang usapin ng kalusugan, kundi isang usapin din ng dignidad at karapatang pantao. Sabi nga sa Gaudium et Spes: Anumang nang-iinsulto sa dignidad ng tao, gaya ng subhuman living conditions, ay lason sa lipunan at dapat puksain.
Sumainyo ang Katotohanan.