23,087 total views
20th Sunday of Ordinary Time Cycle B
Prov 9:1-6 Eph 5:15-20 Jn 6:51-58
“Mga kapatid, ingatan ninyo kung paano kayo namumuhay. Mamuhay kayong tulad ng matatalino, at di tulad ng mga mangmang. Sapagkat masama ang takbo ng daigdig, samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon na kayo’y makagawa ng mabuti. Huwag kayong mga hangal. Unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.” Ito ang narinig natin sa sulat ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa. At ano ba ang kalooban ng Diyos? Ito ang kanyang kalooban: Maniwala tayo sa kanyang pinadala. Maniwala tayo kay Jesukristo. Siya ay pinadala ng Diyos mula sa langit upang dalhin tayo sa langit. At upang dalhin tayo doon, ibinibigay niya ang kanyang sarili bilang pagkain sa ating paglalakbay tungo sa buhay na walang hanggan.
Narinig natin ang sinabi ni Jesus: “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. Ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”
Sa ating panahon ngayon nagiging conscious na tayo tungkol sa kinakain natin. Oo, kailangan natin na makakain. Nakakalungkot na maraming tao ay hindi nakakakain. Nagugutom ang marami dahil sa giyera, isipin na lang natin ang mga nasa Gaza o nasa Sudan. Nagugutom din ang marami dahil sa baha. Isipin natin ang sinalanta ng baha sa Kamaynilaan o sa Tsina. Marami ay nagugutom dahil sa tag-init. Namamatay ang mga tanim at mga hayop nila. Isipin natin ang mga namamatay sa gutom sa Ethiopia o sa Somalia. Magpasalamat tayo sa Diyos na may pagkain dito sa Pilipinas, kahit na may mahihirap din na hindi sapat ang pagkain. Mahalaga na may pagkain.
Pero mahalaga rin na may wastong pagkain. At ito ang pinoproblema natin. We become what we eat. Nagiging ano tayo depende sa ating kinakain. Kung presko at malusog ang ating pagkain, nagiging malusog tayo. Kung masama naman ang kinakain natin, napapasama din tayo. Marami ay pinapatay ng pagkain – pagkain ng matataba at mamantikang pagkain, pagkain ng matatamis ng pagkain, pagkain ng maalat na pagkain. Ang tao ay hindi lang namamatay sa kawalan ng pagkain. Pinapatay din ang tao ng hindi wasto o sobrang pagkain. Ang mga instrumento daw na nakapapatay ng mas maraming tao sa buong mundo ay ang kutsara at tinidor! Kaya kumain tayo, ngunit kumain tayo ng wastong pagkain.
Magiging malusog tayo at hahaba ang buhay natin kung tamang pagkain ang kinakain natin. Pero kahit na anong ingat natin sa pagkain, mamamatay pa rin tayo. May isang pagkain lang na nagbibigay sa atin ng buhay na walang hanggan – ang katawan ni Kristo! Maliwanag ang sinabi ni Jesus: “Ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. Ito ang pagkaing bumaba mula sa langit; ang kumakain nito ay mabubuhay magpakailanman.” Naniniwala ba tayo sa kanyang salita?
Kapag ang Diyos ay nagbibigay, masagana siyang magbigay. Sa ating unang pagbasa narinig natin ang alok ng Diyos. Naghanda siya ng masagana. “Nagpatay siya ng hayop, nagtimpla ng inumin, ang mesa ay inihanda, punong-puno ng pagkain.” At nag-aalok siya: “Halikayo’t inyong kainin ang pagkain ko, at tunggain ang inuming inilaan ko sa inyo.” At ano iyong kanyang inihanda? Sabi ni Jesus: “Ang aking laman ay tunay na pagkain, ang aking dugo ay tunay na inumin.” Ang inihahanda ng Diyos na pagkain ay libre. Ito ay walang bayad, at ito ay palaging nandiyan. Ito ay walang iba kundi ang kanyang sarili. Magiging tulad tayo ni Jesus kung tinatanggap natin siya ng palagi. Ang buhay niya ay mapapasaatin. We become what we eat. If we eat Jesus we become Jesus.
Bakit pa tayo nag-aalangan? Hindi ba tayo naniniwala kay Jesus? Ayaw ba natin ng buhay na walang hanggan? Ang buhay na walang hanggan ay hindi nagsisimula kapag namatay na tayo. Ito ay nagsisimula na ngayon kapag tinatanggap natin si Jesus. Napapasaatin na ang buhay ni Jesus. Nagiging mapayapa tayo. Marunong na tayong magpatawad. Panatag na tayo sa ating buhay. Hindi na tayo nag-iisa, kasama na natin ang Diyos. Ang buhay na ito ay hindi mawawala at hindi tatanggalin sa atin ng kamatayan.
Ang pagkain ay may bisa lamang kung ito ay palaging tinatanggap. Hindi sapat na kumain ng paminsan-minsan. Magiging malusog lamang tayo kung palagi tayong kumakain ng maayos na pagkain. Gayon din, mapapasaatin ang buhay ni Jesus at lalago tayo sa buhay ni Jesus kung palagi natin siyang tinatanggap sa Banal na Komunyon. Kaya gusto natin na ang mga bata, sa murang edad pa lamang ay magkomunyon na. Inihahanda natin sila sa Banal na komunyon. Dinadala natin sila sa simbahan para makakomunyon Linggo-linggo. Kaya tayong lahat ay hinihikayat na palaging magsimba at tumanggap ng Banal na Komunyon. Si Jesus ang tinatanggap natin dito at mabubuhay tayo dahil sa kanya.
May nagsasabi na nagkokomunyon naman daw siya pero wala namang nangyayari. Una, palagi ba siyang nagkokomunyon, o paminsan-minsan lang? Pangalawa, may paggalang ba siyang nagkokomunyon, o basta lang pumipila at sumusubo at naging ritual na lang ang pagkomunyon? Pangatlo, alam ba talaga niya kung sino ang tinatanggap niya? Hindi lang siya nagsusubo ng ostia. Si Jesus, ang Anak ng Diyos, ang kanyang tinatanggap. Kaya buong paggalang at pasasalamat natin siyang tinatanggap. Nagpapasalamat tayo na natanggap natin ang Diyos mismo sa ating katawan. Nagiging kaisa tayo ng Diyos sa pagtanggap ng Banal na Komunyon. Kaya mahalaga na masimulan natin ang Banal na Misa ng maayos. Mahalaga na nikikinig tayo ng maayos sa mga pagbasa at sa homilia. Mahalaga na nakikiisa tayo sa mga dasal at awit sa buong misa. Sa ganitong paraan nagiging makabuluhan ang ating pagkokomunyon at dahan-dahan babaguhin tayo ni Jesus.
Sa ating panahon kailangan tayong magpatotoo sa katotohanan ng pagmamahal ni Jesus sa pagbigay ng kanyang sarili para sa atin. Magpatotoo at panindigan natin ito kasi may mga tao na pabaya dito. May mga tao na hindi naniniwala dito at may mga taong kinukutya ang katotohanang ito, tulad ng nangyari sa Paris Olympics. Pati ang Huling Hapunan ni Jesus ay kinutya. Hindi tayo pumapayag dito. Panindigan natin na banal ang pagmamahal ng Diyos, Banal ang Eukaristiya. Ito ay nagbibigay sa atin ng tunay na buhay.