9,842 total views
Umapela ang Amihan Women’s Peasant Group kay Vice-president Sara Duterte na ibalik o ipaliwanag ang kuwestiyunableng 125-million pesos na confidential funds.
Sinabi ni Amihan Secretary General Cathy Estavillo na nagkulang sa pagpapaliwanag ang pangalawang pangulo sa paggastos ng pondong mula sa kaban ng bayan.
“Simple lang naman ang mga tanong, bakit ayaw sagutin? Garapalang manghingi at maglustay ng milyones pero wala man lang kahit katiting na accountability?” pahayag ni Estavillo sa Radio Veritas.
Nanindigan si Estavillo na karapatan ng mga Pilipino na malaman kung paano ginagamit ng mga opisyal ng pamahalaan ang pera ng bayan.
Kaugnay nito, hinimok ni Estabillo ang mga Pilipino na bantayan ang pagbusisi ng Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso sa isinumiting national budget ng ehekutibo para sa taong 2025.
“Maging mapagmatyag tayo sa paggamit ng gobyerno sa kaban ng bayan. Dapat nating tiyakin na ang bawat sentimo ay mapupunta sa pagsusulong ng interes ng malawak na hanay ng mamamayan at hindi sa bulsa at tiyan ng iilan,” ayon pa sa mensahe ni Estavillo.
Ang pahayag ni Estavillo ay matapos makatanggap ang Office of the Vice President ng “notice of disallowance” ng mabigong ipaliwanag kung saan ginastos o inilaan ng tanggapan ni VP Duterte ang 73-million pesos mula sa 125-million pesos na confidential funds noong 2022.
Naunang apela ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo sa mga opisyal ng pamahalaan na magkaroon ng transparency sa mga pondong ginagamit ng kanilang mga opisina upang maiwasan ang katiwalian at corruption sa pera ng bayan.