57,449 total views
Mga Kapanalig, may pagkakataon pa raw si PNP Lieutenant Coronel Jovie Espenido na bigyang-katarungan ang mga biktima ng madugong giyera kontra droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Iyan ang paniniwala ni Fr Flavie Villanueva, SVD, kung isisiwalat ng kontrobersyal na pulis ang lahat ng maling ginawa niya bilang pagsunod sa kagustuhan ng mga tiwali. Si Fr Villanueva ay isa sa mga nagpasimula ng mga programang tumutulong sa mga pamilyang naulila ng mga pinatay sa ilalim ng war on drugs ng nakaraang administrasyon. Ang kanyang Program Paghilom ay nagbibigay ng suporta sa mga magulang, asawa, at anak ng mga itinuturing na salot sa ating lipunan at, sa mata ng dating lider at kanyang mga tagasunod, dapat lamang na pagpapatayin. Noong Mayo nga, binuksan ng kanyang grupo ang “Dambana ng Paghilom” sa La Loma Cemetery para mabigyan ng disenteng himlayan ang mga kapatid nating hindi binigyan ng pagkakataong ipagtanggol ang sarili sa harap ng batas.
Sa isang interview dito sa Veritas, sinabi ni Fr Villanueva na maitutuwid ni Lt Col Espenido (at ng iba pang mga pulis) ang pagtingin sa PNP bilang “biggest crime group”, mga salitang galing mismo sa koronel. Sa isang pagdinig sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, inamin ni Lt Col Espenido na may “quota” ang mga pulis at may “reward system” din. Sa isang araw, ang bawat pulis ay inaasahang i-tokhang (o kumatok sa bahay at kumausap) ng 50 hanggang 100 na pamilyang may miyembrong hinihinalang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot. Ngunit alam naman nating marami sa mga pag-tokhang na ito ay nauwi sa marahas na pagdakip o kaya naman ay pagpatay sa mga diumano’y nanlalaban sa mga pulis. Sangkot naman daw ang mga lokal na pamahalaan sa reward system kung saan binibigyan ang mga pulis ng perang pabuya para sa bawat matagumpay na buy-bust operation. May reward din daw kapag ang napatay ay nasa watch list.
Ang ikinalulungkot ni Lt Col Espenido, may mga kasamahan siyang inabuso ang ganitong kalakaran sa PNP. Para lang makatanggap ng pera, hindi nila alintanang pumatay ng mga pushers at users. (Kung inyong matatandaan, si Lt Col Espenido ay ang hepe ng PNP sa bayan ng Albuera sa Leyte nang patayin sa loob ng selda ang drug suspect na si Mayor Rolando Espinosa. Inilipat siya sa Ozamiz kung saan ang mga drug operations sa ilalim ng kanyang pamumuno ay nauwi sa pagkakapatay kay Mayor Reynaldo Parojinog at labinlimang iba pa.)
Sa tala ng gobyerno, may anim na libong kababayan natin ang namatay sa mga lehitimong drug operations ng mga pulis. Para sa mga human rights groups at NGO, aabot sa 30,000 ang bilang ng mga biktima ng war on drugs. Alinmang datos ang gamitin natin, may dugo sa mga kamay ng ating kapulisan. Handa ba si Lt Col Espenido na linisin ito?
“Ang taong laging gumagawa ayon sa katuwiran, mga salita’y bukal sa loob at pawang katotohanan,” wika nga sa Mga Awit 15:2. Naniniwala tayong may mga tagapagpatupad ng ating batas na kayang manindigan, hindi lamang para sa katotohanan kundi para sa dignidad ng mga taong sinumpaan nilang paglingkuran. Kasama ang mga pulis sa mga itinuturing ng Catholic social teaching na Pacem in Terris na may lehitimong awtoridad upang mapanatili ang mga institusyon ng lipunan at upang magtrabaho para pangalagaan ang ikabubuti ng lahat. Dapat itong ipaalala lagi sa kanila at iba pang lingkod-bayan.
Mga Kapanalig, nananalig tayong mananaig ang katotohanan at mabibigyan ng katarungan ang mga kababayan nating biktima ng war on drugs. Mangyayari ito kung magiging matapang lamang ang ating kapulisan at magiging tapat sila sa tungkulin nilang “to serve and protect.”
Sumainyo ang katotohanan.